Planong long-term solution kontra-baha, tiyakin sana sa buong bansa
- BULGAR

- 5 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | November 19, 2025

Kung may isyung dapat matagal nang nabigyan ng seryoso at pangmatagalang solusyon, ito ang baha, isang problemang taun-taon na lang ay parang normal na laging nararanasan ng taumbayan.
Kaya ngayon ay iginiit ng Quezon City Government na panahon na para tumodo sa science-based at long-term solution, isa itong hakbang na dapat noon pa sana ginawa, hindi lang sa QC, kundi sa buong bansa.
Sa pagbubukas ng QC Flood Summit 2025, sinabi ni Mayor Joy Belmonte na ang paulit-ulit na pagbaha ay nagiging “collective trauma” na ng mga residente, lalo na sa mga lugar na madalas nang binabaha.
At hindi ito exaggeration, dahil noong 2024, mahigit 22,000 pamilya ang inilikas sanhi ng mga bagyong nagdulot ng malawakang pagbaha, pruweba na matindi na ang pinsalang idinulot ng problema sa tubig-baha at kapabayaan.
Sa 142 barangay ng lungsod, 59 ang classified bilang flood-prone, na halos kalahati.
Gaya ng sinabi ng alkalde, hindi sapat ang patchwork fixes o iyong tagpi-tagping solusyon lang. Kailangan ng sistemang nakabatay sa datos at pangmatagalang pagpaplano para mabawasan ang pinsala ng matinding pag-ulan.
Nasa sentro ngayon ng QC ang Drainage Master Plan, na nabuo kasama ang UP Resilience Institute. May 15 priority projects ito na layong pabagalin ang agos ng tubig, dagdagan ang water absorption, at bawasan ang flood volume. Kasama rito ang nature-based solutions tulad ng permeable pavements, rainwater harvesting systems, detention basins at retention ponds, at mas maayos na drainage systems.
Habang inaasahang matatapos sa 2026 ang malaking retention pond sa Quezon Memorial Circle, na kayang kumolekta ng 928 cubic meters ng tubig. Operational naman ang detention basins sa community courts ng Gloria 2 at Palmera Homespace 3, na nagsisilbi ring public spaces.
Samantala, ang high-capacity drainage systems sa West Avenue at Fairview ay nakakatulong na sa pagpapadaloy ng tubig kapag malakas ang ulan.
Patuloy din ang kampanyang “Tanggal Bara, Iwas Baha,” at ang rehabilitasyon ng San Juan River at bahagi ng Tullahan River hanggang sa La Mesa Dam, sa tulong ng MMDA at San Miguel Corporation, at walang gastos ito para sa lungsod.
Pero hindi lang imprastraktura ang dapat pagtuunan. Dagdag ni Belmonte, ang baha ay hindi hiwalay sa climate change. Kaya naman ang QC ay nagpatupad ng ban sa single-use plastics, paglipat sa electric vehicles, mga gusali ng gobyerno na solar-powered, circular waste solutions, at pinalakas na early warning systems sa ilalim ng I-Rise Up Program, na naghatid ng zero casualties noong Super Typhoon Uwan.
Malinaw na ang baha ay hindi simpleng problema ng pagbara dulot ng malalakas na pag-ulan. Ito ay suliranin ng pamamahala, urban planning, at climate adaptation. Kung hindi ito aayusin nang buong puso at tapang, paulit-ulit tayong lulubog at malulunod sa baha na nagiging normal na lang.
Panahon nang gawing seryosong misyon ang pagkontrol sa matinding pinsalang dulot ng mga unos at sakuna, at hindi lamang gawing seasonal inconvenience ang pagbibigay ng atensyon dito. Nararapat na maging handa ang buong bansa, para wala na muling pamilya o kababayan ang mapeperhuwisyo at mawawalan ng buhay ng dahil lamang sa baha.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments