top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Laban kontra fake news, tutukan habang papalapit ang halalan

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 22, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 22, 2021



Base sa datos ng Commission on Elections (Comelec), 32.7 milyon o lagpas sa 50% ng rehistradong botante ay kabataan.


Bagay na malaking tulong sana upang mahalal ang mga karapat-dapat mamuno sa bansa, ngunit paano kung ang malaking porsiyentong ito ay sablay naman?


Sa survey na ginawa mula Mayo hanggang Hunyo 2021 na may 7,700 respondents mula sa mga mag-aaral sa kolehiyo, na karamihan ay nasa 20 hanggang 21-anyos, lumabas sa isang pag-aaral na ang mga mag-aaral sa kolehiyo ay hirap matukoy ang fake news.


Sa unang bahagi ng research, unang pina-evaluate sa mga estudyante ang kanilang kakayahang tukuyin ang fake news bago pasagutin ng ‘fake news quiz’. Lagpas 60% ng mga estudyante ang nagsabing ‘somehow confident’ sila sa pagtukoy ng fake news, habang 67% naman ang nakakuha ng mababang score.


Ayon sa mga researcher, 14% o 1,084 lamang ang nakapasa. Bagay na mayroong malaking mismatch sa kanilang self-related confidence kumpara sa nakuha nilang score.


Gayunman, ang posible umanong dahilan ng mababang score ng mga mag-aaral sa fake news quiz ay ang political polarization, tiwala sa Facebook at mababang tiwala sa mainstream media at partisanship.


Upang mas maunawaan ang impluwensiya ng partisanship sa kahinaan ng mga mag-aaral na tukuyin ang fake news, hinati ang mga ito sa dalawang grupo upang irepresenta ang dalawang magkaibang panig, at ginamit ng mga researcher sina Vice President Leni Robredo at Pangulong Rodrigo Duterte bilang representasyon ng dalawang grupo.


Napag-alaman ng mga researcher na ang Duterte supporters ay bigong matukoy ang lehitimo at pekeng balita, habang ang mas may kakayahan namang tumukoy ng tunay na balita ay ang grupo na nagrepresenta kay VP Robredo.


Samantala, iginiit ng isang opisyal ng Ateneo School of Government na posibleng makatulong ang naturang pag-aaral upang labanan ang fake news, partikular sa kabataan.


Sa totoo lang, nakalulungkot dahil kung maraming kabataan pa rin ang nabibiktima ng fake news, paano na lang ang mga susunod na henerasyon?


Bagama’t alam natin kung gaano ka-delikado ang fake news at disinformation, hindi maitatangging malaki rin ang impluwensiya nito sa political decision ng kabataan.


Napapanahon lang na matutukan ito dahil sa nalalapit na halalan. Lalo pa’t ito ang ginagamit ng ilang grupo para dungisan ang pangalan ng kanilang kalaban. At kapag pinaniwalaan ng maraming botante, riyan na magkakagulo.


‘Ika nga, hindi lamang laban sa pandemya ang dapat tutukan, nariyan din ang laban kontra fake news na matagal nang problema sa bansa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page