La Union vs. Delta sa NBL c'ship
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 23, 2021

Maghaharap ang Pampanga Delta at La Union PAOwer para sa kampeonato ng CTG- National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup 2021 matapos pareho nilang walisin ang mga hiwalay na seryeng best of three sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga noong Linggo. Nangibabaw ang husay nina Florencio Serrano ng Pampanga at Jayson Apolonio ng La Union upang maging susi ng kanilang mga koponan.
Nagpasikat sa overtime sina Serrano at Levi Hernandez para burahin ng Delta ang Taguig Generals, 112-108. Lamang ang Generals, 105-101, subalit bumanat ng dalawang tres si Serrano at isa pa kay Hernandez para maagaw ang lamang, 110-105, at ito ay sapat para mawalis ang serye.
Nagtapos na may 25 puntos si Serrano habang double-double ang mga kakamping sina Rhanzelle Yong na 18 puntos at 15 rebound at Mark Dyke na 15 puntos at 16 rebound.
Bumida rin sina Serrano at Hernandez sa Game One noong Sabado kung saan pareho silang nagbagsak ng tig-24 puntos patungo sa 108-102 tagumpay.
Kumpara sa mahigpitang serye ng Pampanga at Taguig, madaling pinauwi ng PAOwer ang Muntinlupa Water Warriors, 107-84. Sinayang ng La Union ang kanilang malaking lamang at lumapit ang Muntinlupa na may 8:53 sa laro, 76-81, subalit pinamunuan ni Apolonio ang huling hirit ng PAOwer at bumalik sa 20 ang lamang papasok sa last two minutes, 102-82.
Samantala, hindi na pinawisan ang Taguig Lady Generals at pasok na sila sa finals ng kasabay na Women’s National Basketball League (WNBL) 2021 matapos alisin sa liga ang Glutagence Glow Boosters. Nakatakdang maglaro sana ng winner take all Game Three ang dalawang koponan subalit nagpasya ang pamunuan ng WNBL matapos hindi tuparin ng Glow Boosters ang pagbayad ng franchise fee at iba pang obligasyon sa liga sa gitna ng ilang palugit na ibinigay.





Comments