top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms

La Trouppei sasabak sa pista ng Triple Crown

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 29, 2023
  • 1 min read

ni Green Lantern @Renda at Latigo | April 29, 2023


Mapapalaban na naman si La Trouppei sa pagsabak nito sa pista sa susunod na buwan.


Ito’y dahil kasama siya sa pitong mahuhusay na batang kabayo na nagsaad ng pagsali sa 1st Leg ng Triple Crown Stakes Race na ilalarga sa Mayo 14 sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.


Maliban kay La Trouppei, ang ibang makikipagtagisan ng bilis ay sina Easy Does It, Gintong Hari, Going East, Istulen Ola, Jaguar at Tell Bell sa distansiyang 1,600 meter race.


Paniguradong paghahandaan ng todo ang nasabing karera dahil nakalaan ang guaranteed prize na P3.5M na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


Susungkitin ng mananalong kabayo ang P2.1M, mapupunta sa pangalawa ang P787,500 habang tig- P437,500 at P175,000 ang 3rd at 4th placers ayon sa pagkakasunod.


Kukubra rin ng P175,000 ang breeder ng mananalong kabayo habang tig-P105,000 at P70,000 ang second at third.


Nakaraan lang ay nagwagi ang La Trouppei sa PHILRACOM "Road to Triple Crown Stakes Race" na pinakawalan sa parehong lugar. Kabilang sa tinalo ng La Trouppei ang naliyamado noon na Jaguar kaya tiyak din na pakay ng huli na makabawi.


Samantala, nakatokang rumenda sa La Trouppei ay si class A rider kelvin Abobo habang si star jockey Jeffril Tagulao Zarate ang sasakay sa Jaguar.


Posibleng magbigay ng magandang laban ay si Tell Bell na rerendahan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA), Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page