La Trouppei at Jaguar magtutuos sa 3rd Leg
ni Green Lantern @Renda at Latigo | July 12, 2023
Sa darating na Linggo na ang muling pagtutuos nina La Trouppei at Jaguar dahil magkikita sila sa 2023 PHILRACOM 3rd Leg Triple Crown Stakes Race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas.
Handa na ang mga trainer at hinete sa ine-ensayo nilang pambatong kabayo upang masikwat ang inaasam na korona sa nasabing prestihiyosong karera.
Tiyak na nakatuon ang mga karerista kina La Trouppei at Jaguar na sumilo ng first leg at second leg ayon sa pagkakasunod, pero posibleng may ibang makasungkit ng korona dahil mas mahaba ang distansiyang paglalabanan sa nasabing stakes race na may 2,000 meter race.
May nakalaan na P3.5M guaranteed prize ang ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Maliban kina La Trouppei at Jaguar, ang ibang nagsaad ng paglahok ay ang Boat Buying, Earli Boating, Easy Does It, Going East, Istulen Ola, Keep Da Trick at Secretary.
Sisikwatin ng mananalong kabayo ang P2.1M, mapupunta sa second placer ang P787,500, iuuwi ng tersero ang P437,500 habang P175,000 ang sa fourth.
Ibubulsa ng breeder ng winning horse ang P175,000 habang tig-P105,000 at P70,000 ang sa second at third.
Ayon sa mga komento ng mga karerista, magandang laban ang kanilang masisilayan dahil mahaba ang distansya ng karera, kaya kahit sino puwedeng manalo lalo na ang mga deremateng kabayo.
Samantala, sa Huwebes naman pakakawalan ang 3-Year-Old Locally Bred Stakes Race at Hopeful Stakes Race na parehong ilalarga sa nasabing lugar.





Comments