La Salle EcoOil, kampeon sa D-League Aspirant's Cup
ni Anthony E. Servinio @Sports | June 27, 2023

Uminit ang EcoOil sa second half upang talunin ang palaban na Marinerong Pilipino, 89-74, at mauwi ang kanilang ikalawang sunod na PBA D-League Aspirants Cup Lunes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City. Winalis ng EcoOil ang seryeng best-of-three, 2-0, at linampasan ang hamon ng mahigpitang palitan na kabaligtaran ng kanilang madaling 108-82 tagumpay sa Game One noong nakaraang Huwebes.
Bago ang laro ay pinarangalan si Kevin Quiambao bilang Best Player of the Conference at agad pinatunayan ang kanyang kalidad sa pagbuhos ng 15 puntos sa first quarter pa lang para sa maagang 27-20 lamang. Humabol ang Marinero mula sa 21-32 sa second quarter at saglit natikman ang lamang sa three-points ni JV Gallego, 42-40, bago ibinalik ito ni Mark Nonoy sa EcoOil sa bisa ng kanyang tres kasabay ng busina ng second quarter, 43-42.
Pumatok muli ang shooting ni Quiambao at nagbagsak ng walo upang iakyat sa 13 ang agwat, 59-46. Mula roon ay matalinong inalagaan ng EcoOil ang kanilang lamang.
Pagsapit ng huling quarter ay hindi pa rin nagpreno ang EcoOil sa likod nina Evan Nelle at Michael Phillips. Umabot sa 85-69 ang pinakamalaki nilang lamang sa three-point play ni Phillips.
Nagtapos si Quiambao na may 26 puntos at 10 rebound. Kumuha siya ng malaking tulong kay Evan Nelle na may 16 at Nonoy na may 14 puntos.
"Hindi namin inisip ang sweep," wika ni Coach Gian Nazario na linasap ang kanyang unang kampeonato bilang head coach. "Alam namin na babalik ang Marinero at malaki ang respeto namin kay Coach Yuri (Escueta)."
Pinangunahan ang Skippers ni Yukien Andrada na may 15 puntos habang tig-12 sina Damie Cuntapay at James Payosing. Patuloy pa rin ang paghanap ng Marinero ng kanilang unang titulo sa liga.





Comments