top of page

LA Clippers, No. 1 na sa West, DeRozan at Mavs, nanuwag

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 7, 2024
  • 2 min read

Updated: Feb 8, 2024

ni Anthony Servinio @Sports | February 7, 2024



Parehong lumasap ng nakakagulat na talo ang Minnesota Timberwolves at Oklahoma City Thunder sa NBA kahapon. Bunga ng kambal na resulta, tahimik na umakyat sa numero uno ng Western Conference ang nagpapahingang LA Clippers.


Matapos matalo sa kanilang unang dalawang tapatan ngayong taon, nagwagi ang Utah Jazz sa Thunder, 124-117, sa Delta Center. Anim na Jazz ang nagtala ng 12 o higit sa pangunguna ni Lauri Markkanen na may 33 at 11 rebound habang may 12 si kabayan Jordan Clarkson bilang reserba.


Kinailangan ng Chicago Bulls ng overtime upang masugpo ang Timberwolves, 129-123. Humabol ang Bulls galing sa 42-65 bago ang halftime subalit bumira ng three-points na may 51 segundong nalalabi si Karl Anthony Towns ng Minnesota upang ipilit ang karagdagang 5 minuto, 115-115.


Bumida sa overtime si DeMar DeRozan na nagsabog ng 10 ng kabuuang 33 puntos. Gumawa rin ng 33 si Coby White.


Parehong bumaba sa 35-16 ang Thunder at Timberwolves at bigyang-daan ang Clippers na 34-15 at lamang sa porsiyento ng panalo. Kasalukuyang nasa gitna ng apat sunod na panalo ang Clippers at isa lang ang talo sa huling 10 laro.


Umani ang Dallas Mavericks ng 36 kay Kyrie Irving at 35 at 18 rebound kay Luka Doncic at nanaig sila sa Brooklyn Nets, 119-107. Nagwagi ng pangatlong beses sa apat nilang laro ang Miami Heat sa Orlando Magic, 121-95, sa likod ng 23 ni Jimmy Butler.


Samantala, papalitan nina Trae Young ng Atlanta Hawks at Scottie Barnes ng Toronto Raptors sina MVP Joel Embiid ng Philadelphia 76ers at Julius Randle ng New York Knicks sa East sa All-Star Game ngayong Pebrero 19. Ooperahan si Embiid sa tuhod habang napilay kamakailan ang balikat ni Randle.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page