top of page

Kuwento ni Sadako Sasaki, naging simbolo ng pandaigdigang panawagan sa kapayapaan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 19, 2026



Fr. Robert Reyes


Dalawang linggong “ceasefire” o tigil-putukan ang ibinigay ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos sa Iran noong ika-7 ng Abril. Sa loob ng panahong ito, nagkaroon ng ilang pag-uusap na maaaring humantong sa mas pangmatagalang kasunduan. Isang unang dayalogo ang isinagawa sa pamamagitan ng Pakistan na tumagal ng halos 24 oras, ngunit hindi nagkaroon ng pagkakasundo.


May mga ulat na may panibagong pagtatangkang pag-uusap muli sa parehong tagapamagitan, at inaantabayanan pa kung kailan ito matutuloy at kung magkakaroon ng mas malinaw na resulta.


Iisa ang hangarin ng marami sa mga pormal na usapan sa pagitan ng Iran at Estados Unidos: kapayapaan. Habang nagpapatuloy pa ang mga tensyon sa Ukraine at Gaza na nagdulot ng malawakang pagdurusa sa mga inosenteng sibilyan, nagbubukas naman ang panibagong alitan na may potensyal na mas lumawak ang saklaw.


Bagama’t wala pang kumpirmadong ulat ng bilang ng mga nasawi sa magkabilang panig, ramdam na ang epekto nito sa pandaigdigang ekonomiya. Sa Pilipinas, sa nakalipas na mga linggo, tumaas ang presyo ng gasolina, krudo, at iba pang bilihin.


Maraming tsuper ng bus, taxi, jeep, Grab at Angkas ang napilitang huminto sa pamamasada dahil hindi na sapat ang kita sa gitna ng mataas na gastusin sa operasyon. Dahil dito, nagkulang ang pampublikong transportasyon, na nagdulot ng mas matinding siksikan at hirapan sa pagbiyahe ng mga commuter araw-araw.


Noong Enero 2024, binisita namin ang Hiroshima sa Japan at ang Peace Memorial Park, kung saan naroon ang istatwa ng batang si Sadako Sasaki, isang biktima ng epekto ng bomba atomika noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Isinilang siya noong Agosto 6, 1945—ang araw na ibinagsak ang bomba. Bagama’t tila normal ang kanyang paglaki sa mga unang taon, makalipas ang sampung taon ay nagpakita siya ng sintomas ng leukemia, isang sakit na dulot ng radiation. Noong 1955, kinailangan siyang ma-ospital at tuluyang humina.


Isang araw, binigyan siya ng mga “origami” na papel na tagak. Ayon sa paniniwalang Hapones, ang tagak ay simbolo ng mahabang buhay, at kapag nakagawa ang isang tao ng isang libong paper cranes habang may matibay na pananalig, maaaring matupad ang kanyang kahilingan. Dahil dito, nagsimulang gumawa si Sadako ng mga paper crane, tinulungan ng mga tao sa ospital sa pagbibigay ng papel. Sa kabila ng kanyang karamdaman, nagpatuloy siya hanggang sa makumpleto niya ang isang libong papel na tagak noong Agosto. Namatay siya noong Oktubre 25, 1955.


Ang kanyang kuwento ay mabilis na kumalat, at naging inspirasyon upang magpatayo ng isang memorial para sa kanya sa Hiroshima Peace Memorial Park, sa pamamagitan ng inisyatiba ng mga kabataan. Nagkaroon ng kampanya sa mga paaralan upang makalikom ng pondo, na matagumpay na naisakatuparan.


Sa kasalukuyan, makikita roon ang istatwa ni Sadako bilang simbolo ng kapayapaan at pag-asa.


Mula rito, naisip ng ilang kabataan sa aming parokya na gumawa rin ng isang libong paper cranes bilang simbolo ng panawagan para sa kapayapaan. Plano nilang ialay ito kay Papa Leo XIV bilang suporta sa kanyang panawagan para sa kapayapaan.


Magsisimula ito sa mga paaralan at sityo ng parokya, at kung makumpleto, inaasahan nilang mahihikayat din ang iba—hindi lamang sa paggawa ng paper cranes, kundi sa paniniwala at pagkilos tungo sa tunay at pangmatagalang kapayapaan sa buong mundo.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page