top of page

Kuryente at internet para sa mga pampublikong paaralan popondohan ng 2026 budget

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 14 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 27, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Noong nagsimula ang ating talakayan para sa 2026 national budget, tiniyak ng inyong lingkod, bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, na lilikha tayo ng isang ‘education budget.


’Tulad ng nabanggit ko nitong mga nakaraang araw, makasaysayan ang ating panukalang budget para sa susunod na taon dahil sa unang pagkakataon, ang pondong ilalaan sa sektor ng edukasyon ay magiging katumbas ng 4.5% ng Gross Domestic Product (GDP).


Sang-ayon ito sa rekomendasyon ng United Nations na maglaan ng apat hanggang anim na porsyento ng GDP para sa sektor ng edukasyon. Katumbas din nito ang 20% ng kabuuang P6.793 trilyong iminumungkahing pondo para sa susunod na taon. Ang ibig sabihin lang nito, prayoridad ng pamahalaan na masolusyunan na ang matagal nang mga problema sa sektor ng edukasyon sa bansa.


Kasabay ng makasaysayang pondong iyan, seryoso ang mga hamong layon nitong tugunan, tulad na lamang ng kakulangan ng mga silid-aralan at mga aklat para sa ating mga mag-aaral. Bagama’t isinusulong din natin ang digital education, hindi natin magagawa ito kung may mga paaralan tayong walang kuryente at wala ring internet.


Kaya naman sa ilalim ng Senate Committee report sa panukalang 2026 national budget, naglaan tayo ng pondo upang mabigyan ang mas marami pang mga paaralan ng sapat na kuryente at access sa internet. 


Sa ilalim ng National Electrification Administration o NEA, naglaan tayo ng P3.7 bilyon upang magkaroon ng kuryente ang mga unenergized schools. Ayon sa Department of Education (DepEd), meron pang humigit-kumulang 6,000 na mga paaralan ang wala pang kuryente.


Naglaan din tayo ng P5 bilyon para sa Free Public Internet Access Program. Sa iminumungkahi nating special provision sa panukalang budget, nakasaad na bigyan ng prayoridad ang mga State Universities at Colleges at mga pampublikong paaralan sa ilalim ng DepEd.


Sa ilalim ng pondo ng DepEd, naglaan din tayo ng P1.5 bilyon upang mabigyan ng internet connection ang mas marami pang mga paaralan. Sa kasalukuyan, humigit-kumulang 12,000 na mga pampublikong paaralan ang wala pa ring internet.


Kung mananatiling walang kuryente at internet ang mga paaralang ito, patuloy na mapagkakaitan ng kaginhawaan ang ating mga mag-aaral. Kung wala ring internet sa ating mga paaralan, mapagkakaitan ang ating mga mag-aaral ng oportunidad na matuto gamit ang mga modernong pamamaraan.


Kaya naman isinusulong natin ang paglalaan ng pondo para sa mga pangangailangang ito. Bagama’t aminado tayo na kalahati pa lamang ng mga paaralang walang internet at kuryente ang inaasahang matutulungan natin gamit ang ilalaang pondo, posible na ring matugunan natin ang kasalukuyang kakulangan sa loob ng dalawang taon.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page