Kung walang pondo, hanggang pangarap na lang ang pagbangon
- BULGAR
- Jul 31, 2021
- 2 min read
ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 31, 2021
Kamakailan ay nairaos ang huling SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa kabila ng limitadong presensiya ng mga mambabatas, naitaguyod pa rin ang huling ulat sa bayan ng ating Punung-Ehekutibo.
At tulad nang nakagawian — inilatag niya ang lahat ng naging tagumpay ng kanyang administrasyon, gayundin ang mga maaari pa niyang gawin sa natitirang isang taon sa kanyang posisyon.
Kabilang sa mga binanggit ng ating Pangulo ang mga plano ng gobyerno para sa pagbangon ng ekonomiya sa susunod na taon.
Nararapat lang naman na malaking bahagi ng 2022 national budget ay ibuhos sa national recovery kahit patuloy pa rin tayong hinahagupit ng pandemya. Ito ay para maibangon na ang ating ekonomiya at makontrol ang patuloy na pagsadad ng ating kabuhayan.
Sa dami ng mga inilatag na plano ng Pangulo, dapat maisakatuparan ‘yan sa budget proposal na ihahatag ng Palasyo sa Kongreso. Kung walang kaukulang pondo ang pinapangarap nating pagbangon, mananatili na lang sigurong pangarap ‘yan. At kawawa ang mamamayan.
Magsisilbing “down payment” para sa hinahangad nating pagbangon ang maaaprubahang 2022 National Budget kaya’t sana naman — ituon ito sa mga pinakakritikal na programa at ‘yan ay pinangungunahan ng ating COVID-19 response.
Mahigit 300-araw na lang ang natitira sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Duterte. Sana ay magamit ito ng administrasyon at ng mga kinauukulan sa mas mabilis na pagkilos para maipatupad ang mga programang magbabangon sa ating lahat mula sa pandemyang ‘to.
◘◘◘
VIRAL ngayon ang pagkapanalo ng magiting na si Hidilyn Diaz sa weightlifting women’s category sa Tokyo Olympics. Siya ang kauna-unahang Pinoy athlete na nakasungkit ng gintong medalya. At umaasa tayong sa mga susunod na araw, marami pa sa ating mga atleta ang kukubra ng medalya — ginto man ‘yan, pilak o tanso. Ang mahalaga, ibinigay nila ang sapat na kakayahan.
Sa panalong ito ni Hidilyn, ‘matik na tatanggap siya mula sa gobyerno ng P10-M base sa isinasaad ng RA 10699 o ang National Athletes and Coaches Incentives Act of 2015. At maliban d’yan, tatanggap din siya ng Olympic Gold Medal of Valor mula sa Philippine Sports Commission.
Sa kabuuan, tatanggap si Hidilyn ng higit P30-milyon, kasama ang mga gantimpalang magmumula sa iba’t ibang sponsor na kinabibilangan ng bahay at condominium unit.
Sa kanyang video courtesy call sa Pangulo, igagawad din sa kanya ang Presidential Medal of Merit.
Dahil dito, tayo ay nagpapahatid ng taos-pusong “congratulations” kay Miss Hidilyn Diaz. Isa kang alamat! Mabuhay ka!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com





Comments