top of page

Kung walang COA, hindi mabubuking ang mga buwaya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 9, 2021
  • 2 min read

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | September 09, 2021



Nagpatuloy ang mga banat ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga kumukuwestiyon sa paggastos ng kanyang administrasyon sa pondo ng bayan. Nagsimula siya sa Commission on Audit (COA), na sinabihan silang huwag isapubliko ang mga ulat o natuklasan dahil agad na hinuhusgahan ng tao ang mga ahensiyang sangkot, at pagkatapos ay sinabihan ang kanyang gabinete na huwag pansinin ang COA. Kaugnay nito, Senado naman ang sunod na tinira, partikular ang Blue Ribbon Committee na iniimbestigahan ang mga natuklasan ng COA hinggil sa pagbili ng mga PPE at iba pang materyales kontra-COVID napatunayang mahal ang presyo at kung bakit isang suplayer na may kaduda-dudang kuwalipikasyon ang nakakuha ng bilyun-bilyong pisong kontrata.


Naging personal si Pangulong Duterte sa kanyang pag-atake kay Sen. Richard Gordon na namumuno sa komite at Sen. Ping Lacson. Sinabi kong kapag ang mga pag-atake ay naging personal sa pagtatalo o debate, alam nating natalo na ang namemersonal. Nasa tungkulin ng COA ang suriin ang paggasta ng gobyerno at punahin ang mga anomalya, kakulangan, o disallowances sa paggastos ng gobyerno - trabaho nila 'yan. Ang Senado ay nagsisilbing bantay din sa lahat ng ginagawa ng gobyerno. Kabilang ito sa "checks and balance". Ngunit para kay Pangulo Duterte, tila nais niyang mawala na lang lahat ito.


Para sa pangulo, walang dapat magtanong, pumuna sa kanyang administrasyon at lumabag sa kanyang kalooban o kagustuhan. Maging ang senador na dating nag-imbestiga sa kanya habang siya ay alkalde pa sa Davao City, maging ang Komisyon sa Karapatang-Pantao sa pagpuna at pagsita sa kanyang madugong laban kontra ilegal na droga, maging isang network na nagpalabas ng mga pampulitikang komersiyal na hindi niya nagustuhan o kung ano pang mga ahensiya o grupo na pumupuna sa kanyang administrasyon o sa kanyang gabinete. Ipinahayag niya noong 2016 na ang kanyang itinalaga sa kanyang gabinete ay "the best and brightest". Matapos ang limang taon panunungkulan, "the best and brightest" nga ba?


Pinupuri ang COA at ang mga senador sa pagiging matatag sa kanilang posisyon sa kabila ng mga panunuyo at banta ni Pangulong Duterte. Mabuti at nakikita natin ang mga senador na may gulugod, kahit ngayon lang. Dapat magpatuloy ang imbestigasyon. At tungkol sa pagtatangka ni Roque na ilihis at ituro ang mga daliri sa inaakalang mga pagkakamali sa nakaraang administrasyon, isang dating tagapagsalita at maging ang COA ay kaagad na nagbigay ng mga sagot kontra sa kanyang mga pahayag. Dapat sagutin na lang ang mga isyu sa matalino at marangal na pamamaraan, kung kaya pa nila.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page