Kung si Coco ang bagong FPJ… RURU, NEXT ROBIN PADILLA
ni Nitz Miralles @Bida | September 27, 2023

“Manifest natin ‘to,” ang sagot ni Ruru Madrid sa isa niyang fan na nag-tweet ng “Random thought. Imagine if magka-action movie/teleserye si Robin Padilla at Ruru Madrid. WHAT A TANDEM IF EVER! I mean if CM (Coco Martin) is the next FPJ, puwedeng ma-establish si @Rurumadrid as the next RP din.”
Nakapag-comment ng ganito ang fan ni Ruru pagkatapos mag-post ng Kapuso actor ng photo nila ni Sen. Robin Padilla nang sila’y magkita sa konsultasyon ng mga nagtatrabaho sa telebisyon at pelikula para maisabatas ang Eddie Garcia Law. Ito ay para sa kapakanan, kaligtasan at seguridad ng mga nasa TV and movie industry.
Sa caption ng photo nila ni Sen. Robin, all caps ang “IDOLO”, patunay na hindi lang iniidolo, kundi inirerespeto rin ni Ruru si Robin.
“Maraming salamat Sen @robinpadilla. Kayo po ay malaking inspirasyon para sa akin pagdating sa paggawa ng mga maaksiyon na eksena. Tunay na kayo po ang aking tinitingala sa larangan na ito at pangako na pagbubutihin ko ang lahat ng aking ginagawa.
"Ngunit hindi lamang dito kaya ko po kayo hinahangaan, kundi sa pagiging makatao. Alam ko po kung gaano ninyo kamahal ang sambayanang Pilipino at lahat ng iyong tagasuporta.
Kaya muli, maraming salamat po.”
Ang kuwento, galing si Ruru sa taping ng Black Rider bago dumalo sa nasabing pagtitipun-tipon ng mga taga-entertainment industry. Hinila pa raw nito si Kylie Padilla na kaeksena niya sa taping at isinama. Hindi lang nakita sa mga larawang lumabas si Kylie dahil umiwas magpa-picture dahil hindi raw siya nakabihis.
Anyway, marami pang nagawang pelikula si Robin na kung gugustuhin ng GMA-7, puwedeng gawan ng adaptation na si Ruru ang bida. Puwede ring pagsamahin sina Ruru at Robin at ang request ng fans, si Kylie ang makapareha ni Ruru.
Bitin kasi ang mga fans sa pagsasama nina Ruru at Kylie sa Black Rider dahil dalawa sila ni Yassi Pressman na leading ladies ng aktor.





Comments