Kung pantay ang batas, bakit parang hindi pantay ang hustisya?
- BULGAR

- 9 hours ago
- 4 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 30, 2026

Pinakawalan ang isang may kasong tinatawag na “non-bailable”—isang kasong mabigat ang parusa at karaniwang nangangailangan ng espesyal na pagsusuri bago pagkalooban ng piyansa. Puwede ba ‘yun? Sino ba ang nagsasabing puwede o hindi? Hindi ba ang mga korte? Ano ang batayan?
Ang batayan ay ang Konstitusyon at mga umiiral na batas at tuntunin ng korte. At sino ang nagbibigay-kahulugan at nagpapatupad sa mga ito? Ang mga hukom, katuwang ang mga abogado na nag-aral at lisensiyadong magsanay ng batas.
Pero paano kung may puwang sa batas na maaaring gamitin ng isang akusado? Doon pumapasok ang tinatawag na “teknikalidad”—ang paggamit sa partikular na salita o probisyon ng batas sa halip na sa mas malawak na diwa nito.
Kaya hindi nakapagtatakang marami ang nadismaya nang pagkalooban ng piyansa si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kasong malversation na may kaugnayan sa umano’y P92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Mahalagang panoorin ang impeachment trial sa Senado dahil dito makikita at maririnig ng mga mamamayan kung paano nagtatalo at naglalahad ng argumento ang mga abogado at ang mga senador na nagsisilbing mga hukom. Makikita rin kung paano sinusuri ang mga ebidensiya at kung paano ginagamit ang batas sa isang aktuwal na paglilitis.
Maririnig ang mga terminong gaya ng “Your Honor,” “Sustained,” “Overruled,” “Redirect” at “Leading Question,” pati ang mga pahayag na bahagi na ng nakasanayang wika sa mga paglilitis. May mga pagkakataon ding nagiging matindi ang palitan sa pagitan ng mga senador at abogado.
Ngunit hindi naman lahat ng abogado ay kailangang maging maangas o mahirap unawain. May mga mahusay, matalino at mahinahong abogado na kagiliw-giliw pakinggan at panoorin.
Isa na rito si Atty. Mae Divinagracia, pribadong abogado ng House prosecution panel. Sa ika-18 araw ng impeachment trial noong Agosto 25, mahinahon niyang tinanong si Lemuel Ortonio, assistant secretary at assistant chief of staff ng Office of the Vice President (OVP), hinggil sa kahilingan at paggamit ng confidential funds ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.
Sa mga nagdaang araw, malinaw na napapanood ng publiko ang mga palitan ng argumento ng prosekusyon at depensa. Inilalahad ng magkabilang panig ang kanilang mga ebidensiya habang nakikinig ang mga senador na nagsisilbing mga hukom sa impeachment court sa pamumuno ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ay binubuo ng apat na artikulo: (1) grave threats; (2) unexplained wealth at mga isyung may kaugnayan sa SALN; (3) bribery at graft and corruption; at (4) misuse o irregular liquidation ng confidential funds.
Sa usapin ng confidential funds, kabilang sa inirereklamong halaga ang P500 milyon mula sa OVP at P112.5 milyon mula sa Department of Education (DepEd), o kabuuang P612.5 milyon.
Sa ika-18 araw ng paglilitis, kinumpirma ni Ortonio na mismong si Vice President Duterte ang humiling ng confidential funds para sa OVP. Ayon sa kaniyang testimonya, walang supporting documents na kalakip ng unang kahilingan para sa confidential funds.
Samantala, iba ang naging takbo ng kaso ni dating Senador Bong Revilla.
Hindi na kailangang panoorin ang buong paglilitis upang malaman kung paano pinagdesisyunan ang kaniyang kahilingan para sa piyansa. Noong Hulyo 31, pinagkalooban siya ng Sandiganbayan Third Division ng piyansa na P1 milyon sa kasong malversation na may kaugnayan sa umano’y P92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ang desisyon ay isinulat ni Associate Justice Fritz Bryn Anthony M. Delos Santos, at sinang-ayunan ni Associate Justice Ronald B. Moreno. Tumutol naman si Third Division Chairperson Associate Justice Karl B. Miranda. Kaya hindi unanimous ang desisyon.
Mahalagang linawin: ang pagkakaloob ng piyansa ay hindi nangangahulugang napatunayang inosente si Revilla. Ayon mismo sa Sandiganbayan, nangangahulugan lamang ito na sa yugto ng bail hearing, hindi napatunayan ng prosekusyon na sapat na kalakas ang ebidensiya laban sa kaniya upang hindi siya pagkalooban ng provisional liberty. Maaari pa ring magharap ng karagdagang ebidensiya ang prosekusyon sa mismong paglilitis.
Samantala, nanatili sa detention ang anim na co-accused ni Revilla. Sa kanyang dissenting opinion, sinabi ni Miranda na malakas ang ebidensiyang nag-uugnay kay Revilla sa umano’y sabwatan at mahirap ipaliwanag kung bakit siya palalayain habang nananatili sa piitan ang iba niyang kapwa akusado.
Dito marahil pinakamalinaw na nakikita ang tanong tungkol sa hustisya. Kung ang isang kasong may mabigat na parusa ay karaniwang nangangailangan ng matibay na batayan bago pagkalooban ng piyansa, bakit naging posible ang paglaya ng isang akusado dahil lamang napatunayang hindi sapat ang lakas ng ebidensiya sa yugto ng bail hearing?
Legal na proseso ang sinunod ng korte. Ngunit bilang mamamayan, karapatan nating magtanong kung patas ba ang resulta nito sa mata ng publiko—lalo na kung ang ibang akusado sa kaparehong kaso ay nananatiling nakakulong.
Ilang beses na ring nasangkot sa mga kasong kriminal si Revilla. Sa kaniyang dating plunder case, siya ay na-acquit noong 2018, bagaman inatasan siyang isauli ang halagang P124.5 milyon na itinuring ng Sandiganbayan na ill-gotten wealth.
Kaya hindi maiiwasang maitanong: Bakit tila may mga pagkakataong napakabilis makahanap ng lunas ang mga makapangyarihan sa butas o puwang ng batas, samantalang ang karaniwang mamamayan ay kailangang pagdaanan ang mabagal at mabigat na proseso ng hustisya?
Hindi naman dapat ang laki ng pangalan, pera o impluwensiya ang maging sukatan ng katarungan.
At marahil ito ang sentro ng hinaing ng mga grupong nagprotesta sa Sandiganbayan nitong nakaraang Miyerkules:
“Sandiganbayan, BAILe wala na ba ang batas?”





Comments