Kung may pagkakaisa, madaling matatanaw ang pag-asa
- BULGAR

- Dec 20, 2020
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | December 20, 2020
Sinundan ng tatlong Haring Gaspar, Baltazar at Melchor ang tala na magtuturo sa kanila kung saan isisilang ang Sanggol. At ayon sa kay San Mateo: “Nang mabatid ito, lihim na ipinatawag ni Harodes ang mga Pantas at tinanong kung kailan lumitaw ang tala. At pinalakad niya sila patungong Betlehem matapos pagbilinan ng ganito: “Humayo kayo at inyong hanaping mabuti ang sanggol. Kapag inyong natagpuan, ibalita agad ninyo sa akin upang ako ma’y makasamba sa kanya. At lumakad nga ang mga pantas. Muli silang pinangunahan ng talang nakita nila sa Silangan hanggang sa sumapit ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Gayun na lang ang galak ng mga pantas nang makita ang tala! Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ng kanyang inang si Maria. Lumapit sila at nagpatirapa at sinamba ang bata. Binuksan nila ang kanilang sisidlan at inihandog sa kanya ang dala nilang ginto, kamanyang at mira.
Nang sila’y pabalik na, sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes. Kaya, nag-iba na sila ng daan pauwi.” (Mateo 2:7-12)
Malinaw ang unang pakay ni Herodes sa pakiusap nito sa mga pantas na ituro sa kanya kung nasaan ang sanggol. Oo, sinabi nitong nais din niyang sumamba sa bata. Ngunit, ang totoo ay nais niya nitong patayin. Iniligtas ng Diyos Ama ang kanyang anak sa pamamagitan ng panaginip na nagmulat sa mga mata ng mga pantas. Dahil dito, hindi na sila bumalik at nagbigay-alam kay Herodes kung nasaan ang sanggol.
***
Masakit at mabagal ang takbo ng mga buwan sa barangay Pinyahan. Naging napakasakit sa pagitan ng Hulyo at Setyembre ang takbo ng panahon sa naturang barangay nang walo ang bumagsak sa mga balang pumutok mula sa mga baril ng kalalakihang naka-motor at nakatakip ang ulo’t mukha ng face mask at helmet. Nasa 11 na ang kabuuang bilang ng mga pinatay sa Barangay Pinyahan mula ika-30 ng Enero, 2020. Nabulabog ang iba’t ibang sulok ng barangay, lalo na ang mga residente ng NIA road; kalye Mabilis at Maunlad.
Kanino sila maghahanap ng katarungan at proteksiyon sa kalalakihang nambaril at hindi mahuli-huli? Hirap magtiwala sa mga iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan lalo na’t ang opisyal na programang isinusulong ay hayagang pumapayag na gamitan ng dahas ang mga sangkot sa ilegal na droga.
***
Isa lang ang Herodes noong panahon ng ating Panginoon. Ngunit tila napakaraming Herodes ngayon na nais patayin ang sinumang inaakalang sangkot sa ilegal na droga. Napakadaling ikalat ang istoryang “droga” ang dahilan — totoo man o hindi, hindi kamatayan kundi paghihilom ang kailangan ng mga may problema sa droga.
Natural na epekto ng sunud-sunod na patayan sa Barangay Pinyahan ay ang takot. Ayaw nang makialam at mananahimik na lang.
***
“Ano ang magagawa naming maliliit upang protektahan ang aming sarili at ipaglaban ang katotohanan at karapatan? Saan kami pupunta? Nasaan na ang tala na magtutoro sa amin sa Sanggol?” Ito ang mensahe ng malaking poster na nakasabit sa harapan ng Simbahan ni San Isidro Labrador, Barangay Pinyahan. Nakatayong may hawak na makukulay na parol kung saan nakasulat ang pangalan ng kani-kanilang kamag-anak na pinatay. Todo-ngiti ang lahat — ibang-iba kaysa sa naunang poster ng mga pinatay. Napalitan na ang kadiliman at trahedya ng liwanag at pag-asa. Salamat sa Panginoon na aming nakilala sa mga nagdaang panahon ng kadiliman. Mula sa Panginoon at sa aming mga kasama sa Tahanang San Isidro Labrador, tumitingin kami sa tala, nagkakaisa at umaasang mamamayani ang katotohanan at katarungan ng Diyos ngayong Pasko at sa mga darating pang panahon.
Kaya ang bati namin ngayon sa Parokya ng San Isidro Labrador sa Barangay Pinyahan ay hindi simpleng Maligayang Pasko, kundi Pasko na, ma-buhay!!!




Comments