Kung kailan may mas dumami ang COVID-19 cases saka nagluwag ng protocol sa 'Pinas, tsk!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 08, 2021
SA NEW ZEALAND, NAGKA-ISANG KASO LANG NG DELTA VARIANT NAG-LOCKDOWN NA; SA 'PINAS, ARAW-ARAW MAHIGIT 20-K ANG TINATAMAAN NG VIRUS, PERO NAGLUWAG PA--Sa New Zealand, nang may maitalang isang kaso ng Delta variant ay agad nag-total lockdown at dahil d'yan ay hindi nakapaminsala at hindi lumaganap ang deadly virus sa kanilang bansa, pero sa Pilipinas, araw-araw ay higit 20-K Pinoy na ang nadadale, at ang latest ay pumalo na sa higit 22-K ang nagka-virus sa isang araw ay inalis ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) at nag-GCQ (General Community Quarantine).
Hay naku, baligtad yata ang "utak" ng mga nasa IATF (Inter-Agency Task Force) at Malacañang kasi imbes na mag-total lockdown na, nagluwag pa, nag-GCQ o nagbigay pa ng go-signal sa mga tao na lumabas ng bahay, nakupo!
◘◘◘
PANG-AYUDA NA SANA SA MGA PINOY ANG BILYONES NA PERA NG BAYAN KAPAG MAY LOCKDOWN, NAPUNTA PA SA PHARMALLY NA PAG-AARI NG MGA WANTED SA TAIWAN--Sa ibang bansa ay hindi pinuproblema ng kanilang mamamayan kapag nagla-lockdown ang kanilang pamahalaan dahil may sapat na ayudang ibinibigay sa kanila ang kanilang gobyerno, pero sa Pilipinas, ayuda sa mamamayan ang malaking problema ng Duterte gov't., at dahil wala nang pang-ayuda kaya kahit higit 20-K na ang naitatalang daily COVID cases sa bansa ay inalis ang lockdown at semi-lockdown upang makapaghanapbuhay ang mga Pinoy.
Kung bakit naman kasi na imbes mamamayang Pilipino ang paglaanan ng bilyun-bilyong pang-ayuda ng pamahalaan para may pang-ayuda kapag nag-lockdown, ang ginawa ng Duterte gov't. ay ang pera ng bayan ay sa Pharmally, kumpanyang may konek kay "Michael Yang" (friend ni P-Duterte) na pag-aari ng mga Chinese na wanted sa Taiwan sa kasong fraud ibinigay kapalit ng mga overpriced na face mask, face shield, PPEs (Personal Protective Equipment), buwisit!
◘◘◘
DAPAT MATIMBOG SI MICHAEL YANG PARA MALAMAN NG MAMAMAYAN KUNG SINO ANG MGA KASABWAT NITO SA PAGBILI NG OVERPRICED NA MEDICAL SUPPLIES--Nagpalabas na ng warrant of arrest ang mga senador laban kay Michael Yang dahil sa pang-iisnab nito sa subpoena ng Senado.
Dapat talagang masakote si Michael Yang at mabitbit papasok sa Senado para magisa at nang malaman na ng sambayanang Pinoy kung sinu-sino sa mga opisyal ng pamahalaan ang kasabwat nito at kumita ng limpak-limpak na salapi sa pera ng bayan sa binili nilang mga overpriced na medical supplies, period!
◘◘◘
BAKIT NAKIKIPAGKAIBIGAN ANG PANGULO KAY MICHAEL YANG NA MARAMING KAWALANGHIYAANG GINAGAWA SA 'PINAS?--Si Michael Yang ay hindi lang sa overpriced na pagbili ng medical supplies sa Piipinas nasangkot kasi isinangkot na rin ito ni dating anti-drug operative Col. Eduardo Acierto sa droga at nasangkot na rin ito sa pagpapalaganap ng POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) sa bansa.
Ewan ba natin, kung bakit ang pangulo ay may kaibigan na ganyan ang pagkatao, na maraming kawalanghiyaang ginagawa sa Pilipinas, tsk-tsk-tsk!





Comments