Kung hindi mga Nigerians, Chinese ang mga suspek…Mga banyaga, target palagi ng krimen ang ‘Pinas
- BULGAR
- Jan 27, 2022
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | January 27, 2022
Nahuli ang isang Chinese businessman sa pagbebenta ng mga ipinuslit na antigen test kits online.
Wala siyang kahit anong permit o clearance mula sa kinauukulang ahensiya para magbenta nito.
Samatala, nahuli na rin ang limang tao na nasa likod umano ng pag-hack sa higit 700 BDO accounts, kamakailan. Ang dalawa ay Nigerian nationals na nagbigay ng kagamitan o kanilang paraan upang mailabas ang mga ninakaw na pera, habang ang tatlo nama’y mga Pinoy na bihasa rin sa computer. Pinag-aralan umano ng mga ito ang ginawang pag-hack sa ibang bansa hanggang sa nakuha na itong gawin sa Pilipinas.
Maraming aspeto ang mga krimeng ito. Una, napag-aaralan na ang krimeng nagawa sa ibang bansa sa pamamagitan ng internet at nagagawa na rin sa bansa. Pangalawa, kabataan na ang delikadong kriminal ngayon, dahil sa kanilang kaalaman sa lahat ng bagay na may kinalaman sa computer at teknolohiya. Hindi na lubusang ligtas ang pera natin mula sa mga kriminal na ito.
Isang pagkakamali lang ay limas na ang bangko mo. At pangatlo, tila gustung-gusto ng mga dayuhang may kriminal na intensiyon ang Pilipinas.
Dahil ba maraming malugod na pumapayag maging kasabwat sa krimen, dahil ba madaling manuhol ng mga awtoridad o dahil mahina ang sistema ng bansa pagdating sa proteksiyon at seguridad kontra sa mga hi-tech na kriminal?
Sa totoo lang, ilang beses na may nahuhuli ang mga awtoridad na Nigerian at Chinese nationals na sangkot sa krimen. Kung hindi ilegal na droga, pagnanakaw ng pera o pagbebenta ng ilegal na kagamitan. Kung ano ang pangangailangan ng bansa, tulad ng nahuling nagbebenta ng mga antigen test kits, agad pinagsasamantalahan ng mga dayuhan.
Pero ang tanong, bakit nakalulusot ang mga antigen tests sa Bureau of Customs (BOC) kung sinasabi nilang mahigpit sila? Sa lahat pa ng bagay ay antigen test kits talaga?
Hindi ba kinuwestiyon ng BOC kung sino ang nagpapasok nito? Hindi ba’t maraming dokumento ang kailangan bago magpasok ng mga bagay-medikal? Kaya hindi nawawala sa isip ng lahat na maraming “kababalaghan” ang nagaganap sa BOC, komporme kung sino ang nakaupo sa Palasyo.
Parang hindi nawawala ang korupsiyon sa ahensiya, kaya napakadaling magpasok ng kahit ano basta’t may “koneksiyon” na sa loob. Papayagang mailabas ang mga kontrabando at bibigyan ng palugit para makuha ng mga kawatan bago salakayin at hulihin. Kung mahuli, “sorry” na lang.
Ganun, kung hindi ay “sorry” na lang din ang taumbayan?








Comments