Kung friends pa rin sina VP Sara at PBBM, sino ang problema?
- BULGAR
- Jun 26, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 26, 2024

KAILAN MAGPAPAKITANG-GILAS SINA GOV. GUICO AT PD COL. FANGED LABAN SA STL-BOOKIES SA PANGASINAN? -- Hindi pa rin daw tumitigil ang raket na STL-bookies nina alyas “Millora,” “Fajardo,” “Chito” at “Art” sa Pangasinan.
Kailan kaya magpapakitang-gilas sa mga taga-Pangasinan sina Gov. Ramon Guico III at Pangasinan Police Director (PD), Col. Jeff Fanged para ma-stop na ang raket ng apat na gambling lords na ito sa kanilang nasasakupan? Abangan!
XXX
LUMALABAS SI FL LIZA ANG PROBLEMA, KAYA KUMALAS SI VP SARA SA MARCOS ADMIN -- Sinabi ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na nananatili raw silang magkaibigan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) kahit na nag-resign na siya bilang kalihim ng Dept. of Education (DepEd) at vice chairman ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict NTF-ELCAC).
Kung friends pa rin sila ni PBBM, lumalabas ngayon na ang problema kaya kumalas si VP Sara sa gabinete ng Marcos administration ay si First Lady Liza Araneta-Marcos, na sa isang interbyu ay nagsabi noon na “badshot” na sa kanya ang bise presidente dahil natawa raw ito nang sabihan ni ex-P-Duterte na adik sa cocaine ang Pangulo ng ‘Pinas, boom!
XXX
BIGTIME DAGDAG-PAHIRAP SA MAMAMAYAN NG MGA ALAGAD NI PBBM SA ERC -- Kahapon (June 25, 2024) ay ipinatupad na ng Energy Regulatory Commission (ERC) at oil companies ang bigtime oil price hike sa bansa, na sa kada litro ng gasolina ay P1.40 ang itinaas, sa diesel ay P1.75 at sa kerosene ay P1.05 ang dagdag.
Alam naman nating lahat na ang kabuntot lagi ng bigtime oil price hike ay pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin.
Ganyan ang uri ng sistema ng pamamahala ng mga alagad ni PBBM sa ERC, ang magpatupad ng bigtime dagdag-pahirap sa mamamayan, mga buset!
XXX
KUNG ANG MGA NAGDAANG PNP CHIEF TULAD NI GEN. MARBIL, NOON PA SANA NATIGIL ANG MGA ILLEGAL POGO SA ‘PINAS -- Binalaan ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil na mananagot ang mga pulis na walang ginagawang aksyon laban sa mga illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) operations sa kanilang mga nasasakupang lungsod at munisipalidad.
Kung ang mga nagdaang PNP chief ay tulad ni Gen. Marbil na hate ang illegal POGO, sana ay noon pa nawala ang POGO sa ‘Pinas, period!
Comments