Kung dati, todo-gastos sa lalaki… ANGELINE, NAUNTOG NA, AYAW NANG MAGING SUGAR MOMMY
- BULGAR
- Jul 27, 2021
- 1 min read
ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | July 27, 2021

Hindi ikinahihiyang aminin ng singer-actress na si Angeline Quinto na kapag siya ay in love ay bongga siya kung magregalo sa kanyang boyfriend. Todo-bigay siya ng mga mamahaling gamit tulad ng motorsiklo, relo, damit at kotse!
May tsika pa nga na may pinag-aral siya sa isa sa kanyang mga nakarelasyon. Mistula na nga raw siyang sugar mommy na bigay lang nang bigay sa taong mahal niya.
Pero ngayon, hindi na raw siya ganu'n ka-generous magregalo. Marami siyang na-realize noong nag-lockdown dahil sa COVID pandemic. Natuto na siyang magtipid at pahalagahan ang perang pinaghirapan niyang kitain.
Mabuti na lang dahil maaga siyang nakapagpundar ng kanyang bahay at mga sasakyan. Nagpatayo rin siya ng rest house sa Batangas.
Kahit papaano, napaghandaan ni Angeline ang kanyang future. At nagpapasalamat siya na bago yumao ang kanyang Mama Bob ay nabigyan niya ng maginhawang buhay.
Ngayon, wise na rin siya sa larangan ng pag-ibig. Hindi na siya gagastos sa regalong ibibigay sa kanyang BF. Dapat daw ay siya ang regaluhan ng lalaki.
Kaya naman ang bawat sentimong kinikita niya ngayon ay sinisinop ni Angeline. Tulad ng kanyang pagiging endorser ng Ayesha's beauty products.
Si Angeline ang first celebrity endorser ng Ayesha's beauty products. At thankful siya sa mag-asawang Armie at Michael Agmata na nagtiwala sa kanya. Na-inspire ang mga owners ng Ayesha sa awiting Tuloy ang Pangarap na pinasikat ni Angeline kaya ito ang napili nilang maging endorser.





Comments