Kumikita kaya 'di nahihiya… BERNADETTE AT MISTER, NAMUMULOT NG BASURA
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | November 11, 2022

Hindi ikinahihiya ni TV Patrol news anchor Bernadette Sembrano na nag-uuwi siya ng mga pagkaing hindi niya nauubos dahil ang katwiran niya, “Hindi talaga ako nag-aaksaya.
Parati nating sinasabi ang dami-daming nagugutom.”
Dugtong ni Ogie Diaz, “Tapos tayo ‘yung nag-aaksaya ng pagkain.”
Si Bernadette ang latest interview ni Ogie sa kanyang YouTube channel na in-upload lang nitong Miyerkules nang gabi at as of this writing ay nasa 520K views na.
May negosyong junkshop ang asawa ni Bernadette na si Emilio Aguinaldo IV (apo sa tuhod ni Heneral Emilio Aguinaldo) na ang pet name ay Orange.
Kaya maiintindihan kung bakit hindi nag-aaksaya si Badette (tawag namin sa kanya).
“Kaya hindi ako makatapon ng papel kasi nga ang asawa ko, nangangalakal, hindi kami nagtatapon ng papel, pati cups (pinaglagyan ng kape o inumin). Lilinisin ko pa ‘yun at ikakalakal pa.
“Kaya hindi mo raw dapat tinatawag na basura kasi kabuhayan ‘yan ng ibang tao. ‘Yun ang laging sinasabi sa akin ni asawa na ‘Piso lang ‘yan, barya lang ‘yan.’ Hindi dapat sinasabi ‘yung piso o dalawang piso dahil napakalaking bagay sa ibang tao, tapos tayo, kung maka…
(aksaya), 'di ba?” paliwanag ng co-anchor nina Henry Omaga-Diaz at Karen Davila.
Dagdag pa niya, “I think it boils down to empathy din siguro and I am not imposing ‘yung paniniwala ko rin sa ibang tao, it’s just how it is.
“At sabi ni asawa ‘to sa akin kasi dati nu'ng nasa government (nagtatrabaho) pa siya, nakita niya ‘yung tao na nagdidiyaryo, bote sa harap ng bahay (naisip niya), ‘Subukan ko kaya 'to?’
Kaya kami nangangalakal na mag-asawa.”
Nagulat si Ogie nang malaman niyang nangangalakal sina Badette at Orange at binanggit din na ang huli ang naghihiwa-hiwalay ng mga kalakal.

Napagsabihan pa raw si Badette ng mister niya nang sabihin niyang ‘one thousand lang ang kinita’ sa napagbentahan ng kalakal.
“Sabi niya (Orange), '‘Wag mo nila-lang ang one thousand.’ ‘Yan ang turo niya sa akin. Sabi pa niya sa akin, ‘yung pangangalakal keeps me humble. And I like doing it kasi nakakatulong ka na at kumikita ka pa.’
“Sa'n ka naman nakakita ng news anchor, nagpupulot ng basura, ako lang gumagawa nu’n?” pagmamalaking sabi ni Bernadette kay Ogie.
“Nagpupulot ka ng (basura)?” tanong ni Ogie.
“Oo, ng kalakal, at ako lang ang gumagawa nu’n. Siguro, kapag nakikita ng iba, ‘Ano ba ‘yan, nakakahiya, ang cheap-cheap naman?'
“Pero walang gumagawa, dahil hindi class? Ewan ko, hindi ko alam, pero it’s something that we should be doing, dapat nating ginagawa if we care about our environment. If we care for others, it’s something we should be doing but we’re not doing it kasi it’s not glamorous?”
paliwanag ni Badette.
Sa tanong ng online host kung saan kumukuha ng kalakal?
“Ay, hindi naman ‘yung nagko-collect kami, du’n lang sa bahay, household. Sabihin mong may magara akong kotse (Jeep) pero ang laman nu'n, kalakal minsan.
“Kunwari, may nagre-recycle, hindi naman namin kukunin ‘yun. Ang tanong ko, kung may nagre-recycle, kung wala, kukunin ko, tapos ise-segregate ko sa bahay. Pero kung may naghahanapbuhay (nangunguha ng kalakal), ibigay mo ru'n,” pahayag ng news anchor.
Ano ba ang ginagawa ni Badette sa mga nakolektang kalakal, ipinamimigay o ipinakikilo? At ang napagbentahan ay sa kanya ba napupunta?
“Hindi ko nga alam kung pera namin ‘yun kasi may kasama rin si asawa ru’n. Technically, ‘yung ibang tao, sinasabi hindi ka yayaman sa pangangalakal, but you have to do it.
“May mga yumayaman sa pangangalakal, but it is something we feel we have to do, to segregate, to reuse, ‘wag maaksaya, definitely to help the environment.
“Naalala ko, sinabi dati ni asawa sa akin na noong nangangalakal siya, napagkakamalan siyang janitor. Minsan kasi, at that time nasa public office siya, tapos may dala-dala siyang kalakal and sabi sa akin ni asawa, 'It keeps me humble,'" kuwento ni Badette.
Malaki raw ang nabago kay Bernadette noong napangasawa niya si Orange dahil maraming naituro sa kanya kaya sobrang mahal na mahal niya ito.
Teary-eyed niyang sabi, “Ang galing niyang makitungo sa ibang tao. Para sa akin, ang pag-aasawa, vocation talaga, so, kung mas mabuti akong tao dahil sa kanya, I must say oo.
“Para sa akin, ang importante, ‘yung pakikitungo sa ibang tao, eh. Priceless ‘yun para sa akin,” sambit pa nito.
Ano naman ang masasabi niya na weirdo si Bernadette dahil sa nakikitang pangangalakal niya?
“Depends on whose point of view you are looking at it really depends on who’s looking. I think ‘yung aking biases or even judgment of others is really a reflection of who we are, not because we don’t do it,” katwiran ni Mrs. Orange Aguinaldo.
At ang payo ni Badette, “Sa buhay, huwag nating ikumplika. Alam natin ang tama at mali, babalikan mo lang kung ano dapat at kung sino ka basta wala kang tinatapakan, basta honest ka sa ginagawa mo at para sa ibang tao. Feeling ko, ‘you’re on track.
"Hindi naman ito pa-glamour-an ng buhay, eh. Sometimes, ang buhay natin, hindi Instagrammable but at the end of the day, what is life for you? Ano ‘yung core mo? Wala kang dapat ikahya kung wala ka namang ginagawang mali.”





Comments