Search
  • BULGAR

Kulang sa research ang media at kapos ng paliwanag ang awtoridad sa efficacy ng Sinovac

ni Ka Ambo - @Bistado | January 17, 2021



Puwede raw iatras ng Pilipinas ang order na Sinovac.


‘Yan ay malinaw na ‘pang-a-czar’!


◘◘◘


Dapat ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng 50 percent efficacy ng isang vaccine.


Ibig bang sabihin, sa 10 kataong tuturukan ng bakuna—lima ay tatablan at lima ay hindi tatalaban ng bakuna?


◘◘◘


Isa ring pakahulugan sa 50 percent efficacy only ay 50 porsiyento lang ang epekto nito sa katawan ng tao imbes na 100 percent.


Ibig sabihin—mahina ang talab at maaaring magkasakit pa rin ng COVID nang 50 porsiyento ang tsansa?


Ang 50 percent efficacy ay nangangahulugang puwede pa ring mahawa ng COVID ang tuturukan ng Sinovac?


Dapat ipaliwanag mismo ito ng DOH at IATF—pero hindi ginagawa!


◘◘◘


Pero ayon sa doktor na ating nakausap—50 percent man ang efficacy ng isang bakuna—makatutulong pa rin ito.


Ito ay dahil ang tao na naturukan ng bakuna—ay magkakaroon ng panlaban o resistensiya kontra COVID.


Ibig sabihin, kahit 50 percent ang efficacy—kapag tinamaan uli siya ng COVID—maaaring hindi na maging severe ang epekto nito, bagkus ay magiging ordinaryong trangkaso.


Siyempre, depende pa rin ‘yan sa immunity ng tao o kung siya ba ay mayroon o walang “ibang sakit”!


◘◘◘


Kapos sa pagsasaliksik ang media at kapos ng paliwanag ang mga awtoridad kaugnay ng efficacy.


Kung nagpapaliwanag man ang mga awtoridad—kulang ang impormasyon na ibinibigay ng mga ito!


◘◘◘


Kapos naman ang kakayahan ng media na magsaliksik at maghanap ng datos, hiwalay sa datos ng mga awtoridad—kung ano ang kahulugan ng efficacy ng bakuna.


Nagkakasya ang media na mangopya o maglipat ng impormasyon at walang isinasagawang “in depth” research na siyang kanilang obligasyon at trabaho para makatulong sa pamamahayag!


◘◘◘


Kapag may press conference, walang matitinong tanong ang media at karaniwang tanong ay pang-display-display lang—alam na nila ang sagot at inuulit-ulit lang.


Bago magpunta sa press conference ang reporter, dapat nakapagsaliksik na siya ng sarili niyang datos—at sa proseso ng tanungan, ipababalido o iba-validate niya sa resource person ang resulta ng kanyang pagsasaliksik!


◘◘◘


Ang kahinaan ng media na magsaliksik at umasa sa mismong datos sa press conference ay malinaw na katamaran at kamangmangan.


Isang dahilan ito sa pagbagsak ng media industry—kakarampot na ang matitinong media personnel na maaaring makatulong sa panahon ng pandemya!


◘◘◘


Nagkakaletse-letse ang impormasyon na inilalabas ng media dahil walang kompletong datos.


Nangopya o nagnakaw lang ng datos ang media sa ibang media na nangopya din, bago ‘yan mismo ang ikinakalat sa mamamayan!


◘◘◘


Maghanap ka ng media outfit sa Pilipinas na masusing nagsasaliksik ng impormasyon, labas sa ordinaryong proseso—hindi ba’t wala?


Mahusay lang pumorma, mag-modulate ng boses at mang-asar ang mga popular media men.


Sa panahon ng COVID, mahalaga ang papel ng media, pero malinaw na hindi ito nagagampanan!


◘◘◘


Ang kahinaan ng main stream media ay nagtulak upang umasa ang ordinaryong tao sa social media.


Imbes na manood ng TV, makinig sa radio at magbasa ng dyaryo—nakasandal ang bagong henerasyon sa pagsilip nang 24/7 sa internet para sa sariwang impormasyon.


At nakukuha nila nang malinaw at walang kiyeme ang impormasyon na hinahanap nila.


‘Eka nga, isang “gugel” lang, nandun na agad sa harap nila.


He-he-he!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.