Krus ng korupsiyon, pasaning napakabigat
- BULGAR

- Sep 16
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 16, 2025

Kapisatahan ng ‘Pagpaparangal sa Krus’ noong Linggo, Setyembre 14. Sa gitna ng tumitinding kontrobersiya hinggil sa korupsiyon kaugnay ng mga ghost flood control projects naisipan ng kura ng isang parokya sa Batangas na magsagawa ng kakaibang Santakrusan. Hindi prusisyon kundi takbuhan. Hindi bilang pagpaparangal lamang sa krus kundi bilang pakikiisa na rin sa lumalaganap na pagkamuhi ng taumbayan sa korupsiyon ng maraming mga pulitiko.
Takbo, krus, korupsiyon. Matagal-tagal ko nang hindi nabalikan ang takbo bilang paraan ng paggising, pagmumulat kasabay ng pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Nakatutuwa na ginagamit na ng marami ang takbo bilang paraan ng paggising at pamumulat.
Noong nakaraang linggo naganap ang “Takbo laban sa Korapsyon” sa UP Diliman. Napuno ang Academic Oval ng UP Diliman ng mga karaniwang mamamayan na kadalasan ay nagpapapawis lamang ngunit sumisigaw din laban sa korupsiyon. Nakatutuwa ang pagsasama ng exercise at pagtugon sa isang mainit na isyu, na nagaganap din sa iba’t ibang lugar. Lumalabas at nakikisangkot din ang maraming kabataan.
Salamat sa kura paroko ng isang parokya sa Batangas City na naisip gamitin ang pista ng ‘Pagpaparangal sa Krus’ upang gisingin, imulat at hikayatin ang mga kabataan na maging bahagi ng pagbabago at pagpapalaya sa lipunan sa salot ng korupsiyon. May mangyayari ba pagkatapos ng munting takbong ito sa isang bayan ng Batangas? May epekto ba ito sa kahirapan ng marami? Malinaw na hindi agad-agad magbabago ang sitwasyon dahil malaki at malawak ang problema ng korupsiyon. Ngunit, salamat sa mga kabataan na dahan-dahang namumulat, nakikisangkot at handang kumilos kasama ang ibang sektor para sa pagbabago ng lipunan.
Nagsisimula na rin ang pagmumulat at pag-oorganisa ng mga kabataan sa mga unibersidad tulad ng ‘One Taft’ o ang iba’t ibang unibersidad sa Taft Avenue. Mahalagang karagdagan ito sa atin ng mulat na kalipunan ng mga kabataang mag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) at Unibersidad ng Pilipinas (UP).
Noong nakaraang Huwebes, daan-daang estudyante ang lumabas sa Arts and Sciences Steps ng UP upang tuligsain ang national budget (General Appropriations Act). Nabalita rin ang mga “mass walk out” ng mga mag-aaral sa ibang mga kolehiyo at unibersidad.
Namumulat kaya’t kumikilos ang mga kabataan. Sino at ano ang nagmumulat sa kanila? Salamat sa nagsimula at sa lumabas na mga video interview ng mga Discaya na pinuna ni Mayor Vico Sotto. Kumilos ang mga reporter at sinubukang mag-interview sa mga Discaya, at biglang napansin ng netizens ang kontrobersiyang nabuksan.
Salamat din sa social media na naging plataporma para lumabas hindi lang ang video interview sa mga Discaya kundi sa mas malalim na usapin ng “wealth porn” (terminolohiyang ginagamit ng isang kolumnista sa isang pahayagan). Tulad ng karaniwang porn na usapin ay sex, ang ipinakikita ay walang preno, walang kahihiyan at walang anumang pamantayang moral. Ito ang “wealth porn”, ang walang kahihiyang pagpapakita at pagyayabang sa kayamanan. Walang kaabog-abog, walang kahiya-hiyang ipinamamalas mula 28 luxury cars at higit pa na nakaparada sa napakalaking garahe. Nakakahiya, nakakapangilabot, nakakagalit ang ganitong kayabangan sa gitna ng sukdulang kahirapan na nararanasan ng napakalaking bahagi ng ating populasyon.
Nakakatulong din ang nangyayari sa Senado sa imbestigasyon ng katiwalian at ang pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI). Kakaiba rin ang naunang kaganapan ng pagkabuwag ng dating “Majority” na napalitan ng dating “Minority” ng lima na sinalihan o nilipatan ng 10 kung kaya’t biglang naging bagong “Majority” ang dating “Minority.”
At tila nagkakainteres na rin sa pulitika ang mga kabataan na nakikita kung gaano kahalagang isulong ang tama at mabuting pamamahala (o good governance), at labanan at wakasan ang mali o lumang pamamahala na pabor at adik sa korupsiyon.
Kung titingnan ang komposisyon ng Senado at Kamara, madaling makita kung sino ang mga busog, bundat at korap na pulitiko. Madaling makita at makilala ang mga tiwali. Dapat lang upang hindi tularan, lalo’t higit tanggalin sa legal at mahinahong paraan ang mga pulitikong korap.
Nakakatakot ang nangyayari sa Indonesia, lalo na sa Nepal.Tinutugis na ang mga opisyal na korap. Pinalalabas ng kanilang bahay, hinihiya ang mga ito at sa maraming pagkakataon, sinasaktan pa ang mga ito. Kapag napalabas na ang mga opisyal at ang kanilang pamilya, sinusunog ang mga bahay nito. Hahantong ba tayo sa ganitong senaryo? Magiging marahas at walang awa ang mga kabataan natin? Hindi ko alam at hindi ko masasabi. Dapat magdalawang-isip ang mga korap na mamamayan dahil hindi natin alam kung ano ang maaaring mangyari, gaya ng mga linya ni FPJ sa isang pelikula, “Kapag puno na ang salop, dapat ng kalusin.”
Isang krus ang korupsiyon na tinitiis ng mga maliliit na biktima nito. Binuhat ni Kristo ang krus, at dinala ito sa kalbaryo kung saan siya ipinako, sinibat sa tagiliran na patunay ng Kanyang kamatayan.
Marahil, ito ang hinihiling ng Diyos na gawin nating lahat. Kailangang pasanin ang krus ng korupsiyon. Harapin at huwag talikuran ang pananagutan, labanan at ituwid ito ng lahat sa mahinahon ngunit matapang na paraan.








Comments