Kristo 'di si Yulo, ebanghelyo 'di ginto
- BULGAR
- Aug 17, 2024
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 17, 2024

Tapos na ang Paris Olympics, tapos na rin ang parangal. Nakauwi na ang mga nanalo’t natalo. Naidaos na ang masayang parade at tinanggap na sa Malacañang.
Unti-unti nang tumatahimik ang kapaligiran ngunit meron sa mga tagong sulok ang ‘di pansing hibik. Kanino? Hindi natin alam, ngunit malamang sa mga taong nasaktan. Sino?
Baka alam natin dahil malapit ang kanilang kaugnayan sa mga pinalakpakan, pinagpugayan, ginantimpalaan at itinanghal na uliran at bayaning mamamayan.
Hindi ko batid kung ano ang nararamdaman ng isang ina dahil hindi naman ako ina. Ngunit dahil meron akong ina, madaling ibalik ang mga alaala ng walang sawang pagmamahal at pag-aalala ng masuyo at makulit na ina. Wala silang katulad at talagang ganoon sila, ang ating mga ina.
Kapistahan ng Pag-akyat kay Maria sa Langit (Assumption of Our Lady) noong nakaraang Huwebes. Nagkataon namang tungkol sa pagdalaw ni Maria kay Isabel ang ebanghelyo. Nakatutuwa ang larawan ng dalawang ina, isang bata (Maria) at isang nakatatanda (Isabel). Binati ng batang inang Maria ang kanyang nakatatandang pinsang magiging ina rin. Ganu’n na lang ang pagmamahal na puno rin ng paggalang.
Alam kasi ng dalawang magiging ina kung sino at kung ano ang kanilang dinadala sa kanilang mga sinapupunan. Si Juan sa sinapupunan ni Isabel, ang pinakahuli’t pinakadakilang propetang sumigaw na, “Ihanda ninyo ang kanyang daraanan. Dumating na Siya, ang Mesiyas na matagal nang hinihintay ng lahat.” Ganyan din ang paggalang ni Maria sa batang kanyang dinadala. Pati ang mga sanggol sa loob ng sinapupunan ay puno ng sigla’t buhay.
Noon ko rin nabasa ang isinulat ng isang abogadong nadismaya sa mga pangyayari sa panahong nanalo ng dalawang ginto ang isang atleta.
Dismayado ang isang Atty. Joel Rodriguez Dizon dahil sa kanyang panghihinayang na hindi nabigyang kahalagahan ang mga bagay na walang katumbas sa salapi o karangalan. Isinulat ng abogado: “Sana’y hindi na lang siya nagpunta sa Malacañang dahil wala doon ang kanyang ina. Kung ganoon ang kanyang ginawa naipakita niya sana ang kahalagahan ng babaeng nagluwal sa kanya. Ginto, lilipas, kukupas at hindi na ito pag-uusapan.”
Malinaw sa abogado ang malalim na pagkilala ng mga likas na Pilipino sa kahalagahan ng pagtanaw sa pinanggalingan na hindi mapapantayan ng anumang bagay o kayamanan.
Dahil dito, napasulat tayo ng isang maikling tula at heto ang nilalaman:
Ang Pagdalaw ng Dalawang Ina
Lubhang paggalang, lubhang galak ang kalakip ng bati
Ng batang inang Maria sa pinsang nakatatandang ina.
Bata sa matanda, kaygandang tingnan, ang pagmamahal
Pinatingkad ng wagas na paggalang.
Sa lipunang silaw sa anumang kumikinang,
mula sa bagong sasakyan hanggang sapatos
Na sobrang kintab na masasalamin.
Anong saysay ng mukhang tuyo’t kulubot ng tumatandang nanay?
Hindi ganoon ang puso’t mata ng batang inang Maria
Sa kanyang pinsang Isabel, dala-dala si Juan
Ang pinakahuli’t pinakadakila sa mga propetang sumisigaw ng “Dumating na…
Naririto na Siya…”
Sa sinapupunan ng matandang ina sampu ng sa batang ina,
Dama ng dalawa ang mahimbing na tulog ng mga sanggol
Na tikom ang mga bibig,
Na walang gintong pinanggigigil.
Pansamantalang walang imik hanggang dumating ang
oras ng pagbulalas na ihanda ang kanyang daraanan…
Si Kristo hindi si Yulo! Ebanghelyo hindi ginto!
Nagkampihan na kung sinu-sinong laban sa ina, kampi sa dalaga. Kampi sa ina at laban sa dalaga. Nakatutuwa ba o sadyang nakalulungkot? Ina o dalaga, kapwa babae na maaaring maging ina. At tiyak na hindi man maging ina, kapwa galing ang dalawa sa kani-kanilang ina.
Ina ang tawag natin sa mahal na bayan. Marami na ring tila tumatakwil sa naturang ina dahil sa kung anu-anong hindi maganda. Ngunit, anumang pagtakwil sa inang pinanggalingan, siya pa rin at wala nang iba ang kaisa-isang ina. Sana’y magising ang lahat na lawakan ang loob at isipan. Merong higit pa kay Carlos, merong higit pa sa ginto. May mga tahimik na hindi kumampi kanino man. Sa halip, sila ay nananalangin at nagsasabi ng buong tiwala. Darating ang araw, magpapatawad ang bata sa nakatatanda, ang anak sa ina at ang nakatatanda sa bata, at ang ina sa anak. Ganito ang totoong pagmamahal na tigib sa galang.
Comments