Krisis sa edukasyon, dapat resolbahin bago pa lumala
- BULGAR

- Jun 26
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 26, 2025

Nitong mga nakaraang araw ay muling napabalita kung gaano kalawak ang krisis na kinakaharap ng ating bansa pagdating sa edukasyon. Kasunod ito ng mga pahayag ni UNICEF Education Chief Akihiro Fushimi, kung saan binigyang-diin niyang 90 porsyento o siyam sa 10 mag-aaral sa Grade 5 ang hindi nakakabasa sa antas na inaasahan para sa kanilang grade level. Samantala, 83 porsyento naman o walo sa 10 mag-aaral sa Grade 5 ang patuloy na nahihirapan pagdating sa basic mathematics.
Ayon din sa UNICEF, ang ating mga mag-aaral sa Grade 4 ay meron lamang literacy at numeracy na taglay ng mga mag-aaral sa Grade 1 o 2.
Laganap na ang krisis sa edukasyon dito sa bansa bago pa tumama ang pandemya ng COVID-19. Noong sumiklab ang pandemya, halos dalawang taong hindi nagsagawa ng face-to-face classes ang mga mag-aaral. Dahil dito, lalong lumala ang kinakaharap na krisis ng bansa pagdating sa edukasyon.
Isa mga naging hakbang upang tugunan ang mga pinsalang dulot ng pandemya ay ang pagsulong natin sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Republic Act No. 12028). Mandato ng naturang batas ang pagsasagawa ng mga libreng tutorial sessions para sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 10, lalo na iyong mga hindi nakakamit ang minimum proficiency levels na inaasahan sa reading, mathematics, at science.
Tututukan ng ARAL Program ang reading at mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at science para sa Grade 3 hanggang Grade 10. Para sa mga mag-aaral sa Kindergarten, tututukan naman ang pagpapatatag ng foundational skills kagaya ng literacy at numeracy.
Kasabay ng pagpapatupad ng ARAL Program, kailangan din nating magsagawa ng iba pang mga hakbang upang masugpo ang krisis sa edukasyon. Kailangan nating bigyang ang mga kabataan ng matatag na pundasyon upang magtagumpay sila sa kanilang pag-aaral.
Isa rito ang pagpapatatag sa mga programa at serbisyo na may kinalaman sa Early Childhood Care and Development (ECCD) para sa mga batang wala pang limang taong gulang. Makakamit natin ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199). Sa ilalim ng naturang batas, magiging saklaw ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang may kinalaman sa kalusugan, nutrition, early childhood education, at social services development.
Nakasaad din sa naturang batas na mangunguna ang ating mga local government unit (LGU) sa pagtiyak na maihahatid natin sa mga batang wala pang limang taong gulang ang mga programa at serbisyong pang-ECCD.
Nauugnay din sa mga programa at serbisyong pang-ECCD ang pagtugon natin sa kakulangan sa nutrisyon ng mga kabataan. Ayon sa World Food Programme, hindi bababa sa 1.7 milyong mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ang itinuturing na malnourished, bagay na nagdudulot din ng mahinang performance ng ating mga mag-aaral.
Kailangan nating tiyakin na nakakamit na ng mga mag-aaral ang literacy at numeracy sa pagtatapos ng Grade 3. Kung mapapatatag natin ang pundasyon ng ating mga kabataan, masusugpo natin ang krisis sa edukasyon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments