Krimen ng bigamy
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 31, 2026

Dear Chief Acosta,
Ano po ang bigamy at ano ang mga kailangang mapatunayan upang managot sa krimeng ito? Maaari pa rin po bang magsampa ng kaso kung matagal nang naganap ang ikalawang kasal, ngunit kamakailan lamang ito natuklasan? — Keyson
Dear Keyson,
Ang sagot sa iyong mga katanungan ay maaaring matagpuan sa Article 349 ng Revised Penal Code, na nagsasaad:
“ARTICLE 349. Bigamy. — The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall contract a second or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been declared presumptively dead by means of a judgment rendered in the proper proceedings.”
Sa kasong Erwin Bonbon vs. People of the Philippines (G.R. No. 272844, February 24, 2025) sa panulat ni Honorable Associate Justice Samuel H. Gaerlan, ipinaliwanag ng Korte Suprema na upang magkaroon ng hatol para sa bigamy, kailangang mapatunayan ang mga sumusunod:
“(a) that the offender has been legally married; (b) that the first marriage has not been legally dissolved, or in case his or her spouse is absent, the absent spouse could not yet be presumed dead according to the Civil Code; (c) that he or she contracts a second or subsequent marriage; and (d) that the second or subsequent marriage has all the essential requisites for validity.”
Samakatuwid, may bigamy kapag ang isang taong may umiiral pang ligal na kasal ay nagpakasal muli bago ligal na mapawalang-bisa ang unang kasal o maideklarang ipinapalagay na patay (presumptively dead) alinsunod sa Kodigo Sibil ng Pilipinas. Hindi sapat na matagal nang hiwalay ang mag-asawa, hindi na sila nagsasama, o wala na silang komunikasyon. Hangga’t hindi pa ligal na napapawalang-bisa ang unang kasal, nananatili itong umiiral sa ating batas.
Nilinaw rin sa nabanggit na kaso na hindi awtomatikong prescribed ang bigamy dahil lamang matagal nang naganap o nairehistro ang ikalawang kasal. Sa nabanggit na kaso, naganap ang bigamous na kasal noong 1999, ngunit natuklasan lamang noong 2020 at naisampa ang kaso noong 2022. Pinasiya ng Korte Suprema na hindi pa paso (prescribed) ang krimen. Ayon sa Kataas-taasang Hukuman:
“Hence, the prescriptive period for the offense should be counted not from the registration of the bigamous marriage but from the discovery thereof.”
Ayon sa nasabing desisyon ng Korte Suprema, aniya ay hindi naaangkop sa bigamy ang constructive notice o ang pagpapalagay na nalaman na ng taong naagrabyado ang ikalawang kasal mula nang mairehistro ito. Ipinaliwanag ng Korte na ang bigamous na kasal ay karaniwang inililihim, kaya magiging halos imposibleng mapanagot ang lumabag kung ang prescription ay palaging bibilangin mula sa pagpaparehistro ng ikalawang kasal.
Dahil dito, ang mahalagang isaalang-alang ay kung kailan aktuwal na natuklasan ng taong naagrabyado, ng mga awtoridad, o ng kanilang mga kinatawan ang ikalawang kasal. Kaya kahit matagal nang naganap ang kasal, maaari pa ring maisampa ang kaso kung huli lamang itong natuklasan at hindi pa lumilipas ang itinakdang panahon ng pagsasampa ng kaso mula sa naturang pagkakatuklas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments