Kotse, nahulog mula 4th flr. ng building, driver patay

ni Gina Plenago @News | November 27, 2026

Photo: Halos madurog ang kotse matapos mahulog mula sa ikaapat na palapag ng parking area ng isang gusali sa Makati City. ( via Gina Pleñago )
Nasawi ang isang 55-anyos na lalaki matapos mahulog ang kanyang minamanehong kotse mula sa ikaapat na palapag ng parking area ng Citadines sa Jimenez St., Brgy. San Lorenzo, Makati City, alas-11:46 ng umaga nitong Huwebes, Nobyembre 26.
Kinilala ng pulisya ang nasawing driver na si Edgardo Villanueva Goze, residente ng South Daang Hari, Taguig City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, pababa mula sa ikalimang palapag patungo sa ikaapat na palapag ang minamanehong Toyota Vios ng biktima nang bumangga ito sa pader ng gusali.
Nawalan umano ng kontrol sa sasakyan ang driver dahilan upang sumalpok ito sa isang harang na poste bago tuluyang mahulog sa kalsada.
Rumesponde ang Makati Rescue Team at idineklarang wala nang pulso at hindi na humihinga ang biktima.
Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.





Comments