Korup , 'wag lang tanggalin… SIGAW NI ROBIN: KORUPSIYON, DAPAT HEINOUS CRIME!
- BULGAR
- Jun 29, 2022
- 2 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | June 29, 2022

Speaking of taong may responsibilidad ay nangunguna sa listahan namin si Senator-elect Robin Padilla pagdating sa mga ganitong usapin dahil wala kaming alam ni minsan na tumalikod o tinalikuran niya ang kanyang responsibilidad sa pamilya, mga anak, kaibigan at trabaho.
Kahit nga hindi siya kasama ay inaako na niya para lang matapos na ang usapin at walang gulo. Ganyan si Robin simula nang makilala namin mahigit dalawang dekada na ang nakararaan.
Anyway, sa Facebook live ni Sen. Robin kaninang umaga habang kausap niya ang ilang miyembro ng media sa Senado ay nabanggit nitong kailangang mag-resign ang mga government officials na sangkot sa corruption.
Nabanggit kasi na dapat tanggalin ang mga opisyales ng gobyerno na may mga ganitong problema sa pagpasok ng bagong administrasyon ni President-elect Bongbong Marcos, Jr..
Tanong ni Robin, “Bakit tanggalin lang?”
Patuloy niya, “Alam n'yo, ang itinuro po sa akin ng Development Academy of the Philippines, dito sa ating bayan, kulang sa accountability ‘yung ating mga nakaposisyon sa gobyerno. Hindi puwedeng puro sorry.
“Kayo ay nanumpa sa harapan ng Panginoong Diyos at nanumpa sa harapan ng taumbayan na kayo ay magsisilbi at poproteksiyunan ninyo ang sambayanang Pilipino, tapos kayo ang mag-uumpisa ng kalokohan? Aba’y heinous crime para sa akin ‘yan."
Sa opinyon ni Sen. Robin ay mas magandang magbitiw na lang sa tungkulin ang mga opisyales na sabit sa mga hindi magandang gawain.
“Sa akin pong palagay, kung sino man po talaga ang mapapatunayan diyan, unang-una, mag-resign ka. Dapat uso na sa Pilipinas ‘yung ganyan, ‘yung resignation. Sana, magkaroon na tayo ng ganu’ng delicadeza. 'Pag naimbestigahan ka kasi rito, nakakapit pa rin doon sa posisyon niya.”
Para sa iba pang pahayag ni Sen. Robin ay mapapanood ito sa kanyang Facebook account.





Comments