Kontrobersiyal na post ni MMDA Celine Pialago, panira sa mataas na rating ni P-Digong
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 20, 2020
KAKILA-KILABOT NA POST NI MMDA SPOKEPERSON CELINE PIALAGO—Kahit
nakatikim na ng batikos sa publiko ay pinanindigan pa rin ni MMDA spokesperson Celine Pialago ang post niyang, “Masyado ninyong ginagawang pang-drama-serye sa hapon ang paghihinagpis niya. Tigilan n’yo!” na patungkol sa detenidong aktibistang si Reina Mae Nasino na tumatangis at nagluluksa sa pagkamatay ng anak niyang 3-months old na si “Baby River”.
Sa totoo lang, kakila-kilabot ang post ni Pialago sa social media kasi may ugaling-demonyo lang ang may kakayahang mag-post na “drama-serye” lang ang paghihinagpis ng ina sa namatay niyang anak, period!
◘◘◘
SA DAMI NG ADMIN SA FB ACCOUNT NI PIALAGO, MISTULANG MERON NA
SIYANG KUMPANYA—Panandaliang nawala sa FB account ni Pialago ang kanyang post
tungkol sa drama-serye ng inang namatayan ng anak, pero ni-repost niya ito at sinabing
aksidenteng na-delete ng isa sa 70 administrators ng kanyang FB account.
Ganu’n? Sa FB account ni Pialago ay may 70 administrators, aba, ang bongga kasi mistulang may isa na siyang kumpanya na maraming pinasusuweldo, boom!
◘◘◘
RATING NI P-DUTERTE, BAKA BUMAGSAK DAHIL KAY PIALAGO—Sa dami nang
nagalit sa post ni Pialago, dapat sibakin na ito ni P-Duterte kasi malaking kasiraan ito sa kanyang gobyerno at baka makaapekto pa ito sa mataas na rating na iminarka sa kanya ng Pulse Asia.
Pero kung pananatilihin pa ito ni P-Duterte sa kanyang gobyerno, huwag siyang magsisi kung ang marka sa kanya ng Pulse Asia na 91% trust and approval ratings ay bumaba dahil sa pag-aalaga niya ng isang tulad ni Pialago na walang puso sa inang namatayan ng anak, period!
◘◘◘
WALA NA RAW “PORK BARREL” ANG MGA CONG. PERO MAY PANG-
PROJECTS—Ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, sa kanyang liderato ay pantay-pantay ang pang-“projects” na ibibigay niya sa mga kongresista.
Hay naku, ang sabi ni Velasco, “pork barrel-free” ang ipinasa nilang 2021 National Budget, eh ‘yun pala ay may pinagparte-partehan din palang pang-projects ang mga cong. mula sa kaban ng bayan.
Kapag sinabing pang-projects ng mga cong., ‘yan na ang pork barrel at hindi na ‘yan lingid sa kaalaman ‘yan ng publiko, boom!





Comments