Konsepto ng “dying declaration”
- BULGAR

- 11 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 27, 2025

Dear Chief Acosta,
Ang kapatid ko ay kasalukuyang nag-aagaw buhay sa ospital matapos siyang bugbugin at saksakin ng dalawang tao. Sinubukan siyang gamutin ng mga doktor, ngunit tinapat kami na baka hindi na rin siya magtagal. Nang ito ay marinig ng kapatid ko, tinanggap na niya ito at ikinuwento niya sa amin ang nangyari sa kanya, kung saan ito nangyari, at kung sino ang gumawa nito. Pagkatapos na ito ay kayang sabihin sa amin ay tuluyan na siyang pumanaw. Nais sana naming magsampa ng kaso sa taong gumawa nito sa kapatid ko, maaari ba akong maging testigo sa korte para sabihin ang ikinuwento sa akin ng kapatid ko patungkol sa nangyaring krimen sa kanya? – Richie
Dear Richie,
Bago natin sagutin ang iyong tanong, mahalagang maunawaan muna ang konsepto ng tinatawag na “Hearsay Rule.” Nakasaad sa Section 36, Rule 130 ng Revised Rules on Evidence na ang isang testigo ay maaari lamang magbigay ng kanyang testimonya patungkol sa mga bagay na kanyang personal na alam, maliban na lang kung papayagan ng batas na siya ay magbigay ng testimonya kahit na hindi niya personal na alam ang isang bagay:
“Section 36. Testimony generally confined to personal knowledge; hearsay excluded. — A witness can testify only to those facts which he knows of his personal knowledge; that is, which are derived from his own perception, except as otherwise provided in these rules.”
Kaya maliwanag na magiging katanggap-tanggap lang sa korte ang isang testigo kung ang kanyang testimonya ay base sa kanyang personal na kaalaman at hindi dahil sa sinabi ng ibang tao. Ngunit maliwanag din na ang konseptong ito ay mayroong mga eksepsyon.
Isa sa mga eksepsyon sa tinatawag na “Hearsay Rule” ay ang testimonya ng isang tao tungkol sa sinabi sa kanya ng isang taong nasa bingit ng kamatayan, at ang ibinahagi sa kanya ng taong namatay ay kaugnay sa mga sirkumstansya ng kanyang pagkamatay. Narito ang pahayag ng Section 37, Rule 130 ng Revised Rules on Evidence:
“Section 37. Dying declaration. — The declaration of a dying person, made under the consciousness of an impending death, may be received in any case wherein his death is the subject of inquiry, as evidence of the cause and surrounding circumstances of such death.”
Ipinaliwanag din ng Korte Suprema ang mga kailangan para tanggapin ng korte ang testimonya ng isang tao tungkol sa sinabi sa kanya ng isang taong nasa bingit ng kamatayan, patungkol sa mga detalye ng kanyang pagkamatay. Narito ang pahayag ng Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong People of the Philippines vs. Ramil Peña, G.R. No. 133964, 13 February 2002, na isinulat ni Kagalang-galang na Mahistrado Consuelo Ynares-Santiago:
“The requisites for the admissibility of dying declarations have already been established in a
long line of cases. An ante-mortem statement or dying declaration is entitled to probative weight if: (1) at the time the declaration was made, death was imminent and the declarant was conscious of that fact; (2) the declaration refers to the cause and surrounding circumstances of such death; (3) the declaration relates to facts which the victim was competent to testify to; (4) the declarant thereafter died; and (5) the declaration is offered in a criminal case wherein the declarant’s death is the subject of the inquiry.”
Kaya naman maliwanag sa mga nabanggit na artikulo ng batas at sa nasabing kaso na bagama’t sinasabi ng batas na ang tatanggapin lang na testimonya ay kung ito ay galing sa sarili at personal na kaalaman o nasaksihan ng isang tao, maaari pa ring tanggapin ng korte ang testimonya ng isang tao patungkol sa sinabi sa kanyang impormasyon ng ibang tao kung ito ay patungkol sa kamatayan ng huli at sinabi habang ito ay nasa bingit ng kamatayan.
Sa iyong sitwasyon, bagama’t hindi ikaw ang personal na nakasaksi sa krimen na ginawa sa iyong kapatid, maaari kang tumestigo sa korte tungkol sa sinabi niyang impormasyon sa’yo ukol sa sanhi at nakapalibot na mga pangyayari na humantong sa kanyang kamatayan, lalo na at kanyang sinabi ito nang may kaalaman na siya ay nasa bingit na ng kamatayan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments