top of page

Komyuter, matagal-tagal pang maghihintay sa MRT-7

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 25, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 25, 2024


Boses by Ryan Sison

Dahil nahaharap sa panibagong pagkaantala ang pagtatapos ng Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7), ilang taon pa ang gagawing paghihintay ng mga komyuter hinggil dito. 


Habang papalapit ang pagtatapos ng 2024, ang MRT-7 ay tila walang katiyakan kung kailan makukumpleto dahil ang proyekto sa ngayon ay nakumpirma na matatapos sa 2028 dulot ito ng mga pagbabago sa disenyo. 


Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Jeremy Regino, nagkaroon kasi ng pag-oppose mula sa local government sa San Jose del Monte, Bulacan, kung saan isa ito sa mga station at daraanan ng naturang riles.


At dahil sa paglipat ng alignment at istraktura, maaaring hindi ito matatapos ng hanggang 2025.


Tiniyak naman Regino na nireresolba na ng kumpanyang San Miguel Corp. (SMC), ang nakakuha ng nasabing kontrata, ang problema upang matupad ang unang ipinahayag nila na magiging partial operational na ito sa 2027.


Sinimulan ang konstruksyon ng MRT-7 noong 2016, kung saan ito ay bibiyahe ng 22 kilometro na mayroong 14 station mula North Avenue sa Quezon City patungo sa San Jose Del Monte, Bulacan.


Medyo matagal-tagal pa ang paghihintay ng mga kababayan sa kinasasabikang MRT-7, sakaling hindi agad maaayos ang usapin sa pagbabago sa disenyo at iba pang problema.


Kumbaga, halos lahat ay atat na atat na makasakay sa mas mabilis at kumportableng transportasyon, lalo na iyong magmumula sa mga probinsya sa norte patungong Quezon City at ganoon din pabalik.


Kaya sana naman ay maresolbahan na ito ng kinauukulan at maging operational ang MRT-7 sa lalong madaling panahon dahil talagang malaking pakinabang ito para sa lahat.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page