top of page

Komedyana, may warrant of arrest sa 'Pinas… MISTER NI RUFA MAE, INARESTO RAW SA HAWAII

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 11, 2024
  • 4 min read

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Dec. 11, 2024



Photo: Rufa Mae Quinto - Instagram

 

Wala pang kasagutan hanggang sa ngayon kung totoo ba ang kumakalat na tsikang hiwalay na si Rufa Mae Quinto at ang asawang si Trevor Magallanes na nagsimula nang nag-leak nga sa (socmed) social media ang screenshot ng palitan nila ng mensahe few days ago.


Kung pagbabasehan nga kasi ang kanilang usapan sa screenshot na kumalat, tila may nangyayari ngang hindi maganda sa kanilang relasyon, although hindi pa nga masabi kung legit ba talaga ito.


Maging ang dating manager ni Rufa Mae na si Boy Abunda ay nagsalita na rin at inaantay pa rin niya ang kumpirmasyon tungkol sa balitang ito.


Sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) nitong Lunes ay naging topic ng dating manager ni Rufa Mae na si Boy Abunda ang isyung kinasasangkutan ng aktres at ng asawa nito.  


Wika ng King of Talk, “We are also aware na may mga umiikot na screenshots ng conversation with Trevor, the husband of Rufa Mae Quinto, at sa kanya. Meron du’n pag-uusap between the couple.” 


Pakli pa ng TV host, “Meron din isang screenshot ng isang report galing sa pulisya sa Hawaii na may kinalaman naman kay Trevor.  


“Now, we have this, and we are trying to validate this and we are in touch with the lawyer of Rufa Mae, Atty. Mary Louise Reyes, who has been very helpful to us.  


“Kung ano ang developments sa balitang ito ay ibabahagi ho namin sa inyong lahat.”  

Bukod nga kasi kay Rufa Mae na may warrant of arrest dito sa ‘Pinas, may tsismis din kasing inaresto raw si Trevor sa Hawaii na hindi pa rin malinaw kung totoo ba o hindi dahil wala pa ngang nagsasalita isa man sa mag-asawa.


Bukas ang aming pahayagan para sa pahayag nina Rufa Mae Quinto at Trevor Magallanes hinggil sa isyung ito.


Tumatak sa mga viewers ng serye ni Coco…

MERCEDES, PROUD NA SUMIKAT BILANG KABIT



Namaalam na sa FPJ’s Batang Quiapo (BQ) ang karakter ni Mercedes Cabral na si Lena, ang isa sa mga pinakapinanggigigilang kontrabida sa primetime TV. 


Buong-pusong nagpasalamat si Mercedes kina Coco Martin at sa mga tagasubaybay ng Kapamilya teleserye para sa labis na tiwala at pagmamahal na ipinaramdam sa kanya sa pagganap kay Lena.


“Gusto kong magpasalamat kay Coco kasi kung hindi niya ibinigay sa akin si Lena, hindi rin mag-iingay ‘yung pangalan ko bilang aktor sa mainstream TV. Para naman sa viewers, thank you kasi kahit alam kong naiinis kayo kay Lena, marami pa rin akong naririnig and nakukuhang comments na nakaka-touch pa rin sa akin bilang aktor,” sabi ni Mercedes sa isang video na ibinahagi sa social media ng CCM Film Productions.


Makapigil-hininga ang episode noong Biyernes (Disyembre 6) matapos mabaril at mapatay ni Rigor (John Estrada) si Lena upang mailigtas si Marites (Cherry Pie Picache) sa pananaksak ng dating jowa. Bago pa nito, tuluyan nang nakain si Lena ng matinding galit at poot nang masiraan siya ng bait dahil sa paghihiwalay nila ni Rigor at sa pagkamatay ng anak nila.


Inamin naman ni Mercedes na mami-miss niyang kaeksena ang kanyang co-stars lalung-lalo na sina Cherry Pie at Direk Joel Lamangan dahil hindi niya inakalang ganu’n kaganda ang magiging chemistry nila. 


Halos gabi-gabing pinag-uusapan at ginawan ng iba’t ibang trending memes ang karakter ni Lena dahil sa inis ng mga manonood sa kanya bilang kabit ni Rigor. Naging instant hit si Lena at pinuri naman si Mercedes sa husay niya sa pag-arte.


Bukod sa pagbansag sa kanya bilang “Pambansang Jumper (kabit),” nagkalat din online ang kaliwa’t kanang videos kung saan ginagaya ng mga netizens ang ilang mga sikat na linya ni Lena tulad ng, “Gusto ko ng liempo” at ang pabebeng pagsabi ng, “Righoouur!”

Patuloy na mapapanood ang FPJ’s Batang Quiapo gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube (YT) channel at Facebook (FB) page ng ABS-CBN Entertainment. 


Walang sabit ang gusto para sa alaga… LOLIT, 'DI PA RIN BOTO KAY SEN. LITO PARA KAY LT


‘KAALIW ang latest post ng veteran columnist at talent manager na si Lolit Solis tungkol kay Sen. Lito Lapid na as we all know ay nali-link sa alaga niyang si Lorna Tolentino.


Sa latest Instagram (IG) post ni ‘Nay Lolit, aniya ay takang-taka siya kung bakit siya pa ang kinontak ni Sen. Lito na mamahala ng meet and greet with the showbiz press.


“Excited na naman ako dahil meron tayong Christmas party with Lito Lapid. Talagang nagtataka ako kung bakit ako ang tinawagan para sa meet and greet n’ya sa showbiz press, knowing na hindi ako pabor sa balitang nagiging close sila ni Lorna Tolentino,” sey ni ‘Nay Lolit.


Feeling nga niya ay sinusuyo rin siya ng senador at gusto raw sigurong ipakita na karapat-dapat ito kay Lorna Tolentino (LT).


“Baka gusto rin ni Lito Lapid, ipakita sa ‘kin ang charms na ginamit n’ya kay LT. Baka gusto n’yang makita ko na isa s’yang karapat-dapat na maging manliligaw ni Lorna,” aniya.


Pero hindi pa rin nagbabago ang stand ni ‘Nay Lolit na ang gusto niyang maging next partner siyempre ni Lorna ay walang sabit.


“Pero kahit ano pa sabihin, basta para sa ‘kin, dapat maging partner ni LT ‘yung talagang s’ya lang ang mamahalin. Walang ibang babae sa sidelines.


“Pero whatever, siguro naman alam ni Lito Lapid kung ano talaga ang role n’ya sa buhay ni LT at sana hindi totoo ang sinasabi ng iba,” sey ni ‘Nay Lolit.


Sa mga previous interviews nina LT at Sen. Lito ay pareho naman nilang sinasabi na walang ibang namamagitan sa kanila kundi pagkakaibigan lang.


Ayon kay Sen. Lito sa isang panayam ay onscreen partner lang talaga sila ni LT at ganu’n din naman ang sinasabi ng aktres.


Nagsimulang ma-link ang dalawa nang mag-click ang tambalan nila sa FPJ’s Batang Quiapo (BQ) at binansagan nga silang PrimAnda love team na pinaghalong Primo at Amanda, ang pangalan ng kanilang karakter sa serye.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page