Knights, naangkin ang titulo sa Beach Volleyball
ni Gerard Arce @Sports | January 22, 2023

Matapos ang dalawang dekada ay nasungkit ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights ang kanilang ikalawang kampeonato sa women’s beach volleyball kasunod ng pang-birthday na laro ni Chamberlaine “Cha” Cunada katambal si Lara Mae Silva para walisin ang paboritong University of Perpetual Help System Dalta Lady Altas sa iskor na 21-17, 21-12, kahapon sa SBMA Tennis Court sa Subic, Zambales
Emosyonal na napaluhod at napaluha sa kanyang huling taon sa buhanginan si Cunada na kumamada ng malulupit na hambalos, drop balls at aces upang muling pangunahan ang Letran Lady Knights na muling magkampeon sapol noong 2003-2004 ng season 79 ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) women’s volleyball tournament.
Sinayang ng Lady Knights ang pagkakataong makuha ng Perpetual ang double-victory celebration matapos mapagwagian ng men’s Altas ang titulo sa kanilang dibisyon nang talunin ng samahan nina Louie Ramirez at Jefferson Marapoc ang defending champion Emilio Aguinaldo College nina Ralph Joshua Pitogo at Joshua Ramilo sa dikdikang three-set sa 21-10, 15-21, 15-13.
Kumamada ng kabuuang 17 puntos ang graduating spiker na si Cunada mula sa 15 atake at dalawang service aces, habang tumapos si Silva ng siyam puntos mula sa anim atake at tatlong aces.
Naging mas maingat rin ang Letran sa 11 errors kumpara sa 16 na errors na nakuha ng Perpetual na binuo nina Mary Rhose Dapol at Janine Padua na tumapos ng 11 at 7 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Bumanat ng husto si Cunada sa unang set pa lamang ng bigyan nito ng apat na puntos na kalamangan ang Letran sa 17-13 kasunod ng tatlong sunod na puntos, na sinundan rin ng masasaklap na tatlong errors para sa Perpetual para sa set point 20-15.





Comments