Kinumpleto na ng Bolts ang semifinals, ready na vs. Tropang 5G
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 29, 2025

Photo: Matinding pag-swak sa basket ang ginawa ni Rain or Shine Jhonard Clarito habang todo sa depensa si Cliff Hodge ng Meralco Bolts sa mainit na laro sa PBA 50th season Philippine Cup quarterfinals do or die match kagabi sa Araneta Coliseum. (Reymundo Nillama)
Laro ngayong Enero 4 - Araneta
5:15 PM Meralco vs. TNT
7:30 PM SMB vs. Ginebra
Binuo ng Meralco Bolts ang apat na magtatagisan sa semifinals ng 2025-26 PBA Philippine Cup matapos talunin muli ang paboritong Rain Or Shine Elasto Painters, 98-89, kagabi sa Araneta Coliseum.
Nag-aabang sa Bolts ang maagang nakapasok na TNT Tropang 5G sa seryeng best-of-seven ngayong Enero 4, 2026. Malaking tulong sa Bolts ang pangalawang quarter kung saan linimitahan nila ang ROS sa 11 puntos lang.
Dahil dito, nabura ang 26-20 bentahe ng E-Painters at lumamang ang Bolts sa halftime, 42-37, at matalinong inalagaan ito. Hinatid ni Chris Newsome ang pandiin na shoot, 90-82, papasok sa huling minuto. Humabolng tres si Adrian Nocum, 85-90, subalit iyan na kanilang huling hirit at kalmadong nagpasok ng mga free throw si Newsome upang mapreserba ang tagumpay.
Bumida si Newsome na may 31 puntos. Sumuporta si Chris Banchero na may 21 at CJ Cansino na may 14. Tinambakan ng Bolts ang E-Painters noong Sabado, 96-79, para ipilit ang knockout game. Tinalo ng TNT ang Meralco, 100-98, sa elimination round noong Oktubre 29.
Nabalutan ng emosyon ang laro at pormal na nag-retiro ang beteranong si Gabe Norwood. Nagsilbi ng 18 taon si Norwood sa ROS at Gilas Pilipinas. Nanguna sa ROS sina Nocum na may 29 at Gian Mamuyac na may 20. Nagtala si Norwood ng tatlo sa kanyang pagpapaalam.








Comments