Kings pinahiya si James sa pagbabalik sa Golden Center
- BULGAR
- Oct 31, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | October 31, 2023

Bumalik si LeBron James sa lungsod sa araw mismo kung kailan nagsimula ang kanyang karera sa NBA 20 taon na ang nakalipas subalit hindi nakisama sa selebrasyon ang Sacramento Kings at itinala ang 132-127 overtime panalo kontra kay LBJ at bisitang Los Angeles Lakers sa Golden 1 Center kahapon. Nagpasikat ang dating Laker Malik Monk para sa 11 puntos sa overtime at bahiran ang selebrasyon ni LBJ.
Tabla sa 120-120, bumanat ng 7 puntos si Monk patungo sa 127-123 lamang pero pumalag si James at nag-dunk upang magbanta, 125-127, at 50 segundo sa orasan.
Sinagot ito ng tres ni Kevin Huerte at sinelyuhan ni Monk ang resulta sa kanyang dalawang free throw matapos itapon ng Lakers ang bola sa huling 15 segundo.
May kabuuang 22 puntos si Monk habang nanguna si De’Aaron Fox na may 37 kahit hindi na siya pumuntos sa overtime. Gumawa ng 30 puntos at 16 rebound si Anthony Davis para sa Lakers habang 27 at 15 rebound si LBJ.
Kailangan pa ng 1,279 ni LeBron upang maging unang manlalaro na aabot ng 40,000 puntos at maaaring mangyari ito sa kalagitnaan ng torneo o mga 48 laro ayon sa kanyang kasalukuyang porma. Matatandaan na natalo ang bisitang Cleveland Cavaliers sa Kings, 106-92, at gumawa ng 25 ang noon ay 18 anyos na binata sa kanyang pinakaunang laro noong Oktubre 29, 2003.
Samantala, ang World Champion Denver Nuggets ang unang koponan na umakyat sa 3-0 matapos manaig sa Oklahoma City Thunder, 128-95. Double-double si Nikola Jokic na 28 at 14 rebound.
Tinuruan ng leksiyon ng mga beterano ng LA Clippers ang numero unong rookie Victor Wembanyama at San Antonio Spurs, 123-83. Bumanat ng 26 puntos mula sa anim na tres si Stephen Curry sa 106-95 tagumpay ng Golden State Warriors kontra Houston Rockets.








Comments