Kindergarten at Grade 1, dapat isali sa school-based feeding program
- BULGAR

- Sep 16
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 16, 2025

Isinusulong ng inyong lingkod na gawing bahagi ng School-Based Feeding Program (SBFP) ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng mga mag-aaral mula Kindergarten at Grade 1. Kung mapopondohan natin ito sa ilalim ng 2026 national budget, matitiyak natin na walang mag-aaral sa mga antas na ito ang papasok sa silid-aralan nang gutom.
Sa ilalim ng Masustansyang Pagkain Para sa Bawat Batang Pilipino Act (Republic Act No. 11037), lahat ng mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6 na may kakulangan sa nutrisyon ay saklaw ng SBFP. Sa ilalim din ng naturang batas, hindi dapat bababa sa 120 days ang bilang ng mga araw ng pagpapatupad ng naturang programa.
Bagama’t nakakatulong ang SBFP sa mga mag-aaral na kulang sa nutrisyon, naobserbahan din natin na hindi sapat ang 120 days para panatilihin silang malusog at may sapat na timbang para sa kanilang edad. Naobserbahan ng inyong lingkod na kapag natatapos ang bakasyon at nagbalikan ang mga mag-aaral sa paaralan, bumabalik ang kakulangan nila ng timbang at kinakailangan nilang magbalik din sa pagiging benepisyaryo ng SBFP. Ito ang tinatawag nating ‘summer slide,’ kung saan ang mga dating benepisyaryo ng SBFP ay muling humaharap sa kakulangan sa nutrisyon.
Kamakailan naman ay inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang mas pinalawak na SBFP. Maliban sa mga mag-aaral sa Grade 1 at Grade 6 na may kakulangan sa nutrisyon, magiging saklaw na rin ng SBFP ang lahat ng mga mag-aaral ng Kindergarten. Mahalagang hakbang ito upang matulungan natin ang mas maraming mag-aaral, ngunit para sa inyong lingkod, maaari pa nating palawakin ang programa at maparami ang mga benepisyaryo nito.
Kaya naman iminumungkahi ng inyong lingkod na para sa 2026 national budget, gawin na rin nating bahagi ng SBFP ang lahat ng mga mag-aaral ng Grade 1. Isinusulong rin nating ipatupad ang SBFP sa buong school year o hindi bababa sa 200 araw. Tinatayang P16 bilyon ang kakailanganin natin para maging saklaw ng SBFP ang lahat ng mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, pagsisikapan ng inyong lingkod na makapaglaan tayo ng sapat na pondo upang mapalawak pa natin ang SBFP. Habang ginagawa natin ito, kailangan namang tiyakin ng DepEd na maipapatupad nila nang maayos ang mas pinalawak na SBFP, gayundin ang pagpapanatili ng kalidad ng mga pagkaing ihahain sa ating mga mag-aaral.
Kaya naman iminumungkahi natin ang iba’t ibang paraan ng pagpapatupad ng SBFP batay sa laki ng isang local government unit (LGU). Kung mas maliit ang isang lungsod o munisipalidad, maaaring ihanda sa isang central kitchen ang mga pagkain. Kung mas malaki naman ang isang lungsod o munisipalidad, maaaring ang mga paaralan na mismo ang maghanda ng mga pagkain ng kanilang mga mag-aaral kung kaya nilang panatilihin ang kalidad nito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments