top of page
Search
BULGAR

Kinasuhan ng syndicated estafa dahil sa P14 M investment… HABAMBUHAY KULONG KAY KEN CHAN AT 7 PANG KASAMA

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Nov. 9, 2024



Photo: Ken Chan - Instagram


Second Warrant of Arrest na pala ang dinala sa bahay ng Kapuso actor na si Ken Chan sa isang subdivision sa Quezon City kahapon ng umaga ng abogado ng isang private complainant na nagsampa ng syndicated estafa laban kay Ken at sa 7 iba pang akusado sa parehong kaso.


Nakausap namin kahapon si Atty. Joseph Noel Estrada, ang lawyer ng 'di nagpakilalang businessman na naghahabol na maibalik ang P14 M investment niya sa kumpanya ng Kapuso actor at ng mga kasosyo nito sa negosyong restaurant.


"Siya po (Ken) at kasama 'yung I think mga 7 more co-accused, sila po ay nakasuhan ng syndicated estafa under Article 315 of the Revised Penal Code. So meron po silang pending na kaso. Ito po ay nasa husgado na at meron nga pong pending warrant of arrest," panimula ni Atty. Estrada matapos na personal na dalhin ang second Warrant of Arrest sa bahay ni Ken, ngunit wala namang tumanggap dahil halos isang taon na raw inabandona ang bahay, ayon sa ilang kapitbahay.


Paliwanag ng abogado kung bakit nasampahan ng ganitong kaso si Ken at ang 7 kasama niya, "May complainant na according to the complaint, hiningan ng investment ni Ken Chan, hindi naman sila authorized to solicit investments from the public. And using misrepresentation and fraudulent schemes, nakakuha sila ng pera against dito sa complainant."


Non-bailable raw ang kasong isinampa sa 8 akusado ng isang complainant pa lang. Hindi lang daw sure si Atty. Estrada kung may iba pang complainant na magsasampa rin ng katulad na kaso.


Tulad ng aktor, ang iba pang kasama ni Ken ay pinaghahanap pa rin kaya 'di pa raw naise-serve ang warrant of arrest sa 7 pang akusado.


May mga bali-balita na matagal nang wala sa bansa si Ken, pero 'di raw ito ma-verify ng abogado.


At dahil 'di pa rin mai-serve ang warrant, may nakatakda naman daw silang gawin na hindi pa puwedeng sabihin para 'di masunog ang kanilang mga plano. 

Pero umaasa si Atty. Estrada na kung totoong nasa ibang bansa na si Ken ay babalik pa rin ito para harapin ang kanyang kaso.


Tinanong namin kung ano'ng kaparusahan ang puwedeng harapin ni Ken at mga kasama kapag napatunayan silang guilty at ayon sa abogado, "Reclusion perpetua po."

Luh! Habambuhay na pagkabilanggo pala 'yun. 


Naku, eh, sana lang ay lumabas na si Ken at ayusin na ang problema niyang ito dahil marami rin naman ang naniniwala na may sariling bersiyon at paliwanag ang mabait na aktor kung bakit umabot sa ganito ang pangyayari.


Bukas ang aming pahina para sa panig ni Ken Chan o ng sinuman sa kanyang pamilya.


 

Aba, ang former PBB housemate, comedian at host na si TJ Valderrama ay pumasok na rin pala sa larangan ng pagkanta.


Ini-record ni TJ ang kanyang unang single na may titulong Pinili Mo Pang Lisanin Ako ng Pasko.


Sa titulo pa lang, mababakas na ang mensahe ng kanta. Inihahandog ni TJ ang kanyang kanta sa mga nagdadalamhati at sawi ngayong Pasko.


Ang Pinili Mo Pang Lisanin Ako ng Pasko ay nagkaroon ng worldwide release on all streaming platforms (Spotify, Itunes, Apple Music) noong Lunes, Nov. 4, 2024.


Ito ay original composition ng batikang director, creative manager at game show creator na si Direk Willy Cuevas.


Ang kanta ay under Curve Entertainment ni Boss Ciso Chan.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page