Kinasuhan ng murder kahit walang motibo sa pagpatay
- BULGAR
- Jul 14, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 14, 2022
Dear Chief Acosta,
Ang aking asawa ay nakasuhan ng murder tungkol sa pagpatay sa aming kapitbahay. Ayon sa prosekyusyon, may sapat na circumstantial evidence na magpapatunay na siya ang pumatay. Subalit hindi naman napatunayan ng prosekyusyon na siya ay may motibo sa pagpatay sa aming kapitbahay. Sa katunayan, maraming kaaway ang nasabing kapitbahay sa amin at marami ang may motibo na siya ay patayin. Tama ba na siya ay mahatulan ng guilty kahit hindi napatunayan ang kanyang motibo? - Jackie
Dear Jackie,
Ang sagot sa iyong katanungan ay sinagot ng Korte Suprema sa kaso ng People of the Philippines v. Liberato Pentecostes y Cronico, G.R. No. 226158, November 8, 2017, na isinulat ni Mahistrado Alfredo Benjamin S. Caguioa, kung saan sinabi ng Korte Suprema na ang motibo ay hindi elemento ng krimen:
“Motive pertains to the reason which prompts the accused to engage in a particular criminal activity. It is not an essential element of a crime and need not be proven by the State in criminal prosecutions. Hence, proof of motive alone will not establish guilt in the same way that the absence thereof cannot establish innocence. In previous occasions, the Court has held that the question of motive only becomes material when there is doubt as to the identity of the malefactor committing the offense charged.
Here, the totality of circumstantial evidence on record sufficiently dispels any doubt that Liberato was responsible for the ghastly death of Vivian.” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nasabing desisyon, ang motibo ay hindi elemento ng krimen. Ang kawalan nito ay hindi nangangahulugang ang nasasakdal ay inosente.
Maaaring tingnan ng Huwes ang kabuuhan ng ebidensya, kahit ang mga ito ay circumstantial lamang, upang ma-determina kung ang nasasakdal ay guilty o hindi.
Kaya naman, kahit hindi napatunayan ang motibo ng iyong asawa sa pagpatay sa inyong kabitbahay, maaari pa rin siyang mahatulang may sala o guilty kung ang kabuuan ng mga ebidensya ay nagtuturo sa kanyang responsibilidad sa pagkamatay ng inyong kapitbahay.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments