top of page
FRANKLY - ALFRED- 7-ANYOS KONG ANAK, NANGANIB, IPINAHIYA SA MARAMING TAO, NA-TRAUMA!_FB Al

Naipit sa gitgitan, sumigaw at umiyak… NETIZENS SA MGA ANAK NI SEN. JINGGOY: KAMI NGA, ARAW-ARAW NAIIPIT SA TRAFFIC, NALULUNOD SA KONTING BAHA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 60 minutes ago
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | May 31, 2026



SHEET - SEN. JINGGOY, HUMIRIT NA KAILANGAN NG KNEE REPLACEMENT_FB Jinggoy Estrada

Photo: Jinggoy Estrada / FB



Napasigaw at umiyak ang mga anak ni Sen. Jinggoy Estrada na sina dating San Juan City Vice-Mayor Janella Marie Ejercito at bunsong si Julienne ‘Jill’ Ejercito dahil nagitgit sila ng media na gustong makapanayam ang kanilang ama nu’ng Biyernes nang hapon.


Nagpunta sa Sandiganbayan Second Division Clerk of Court si Sen. Jinggoy para mag-post ng bail na aabot sa P90 thousand para sa kasong plunder at graft kasama ang asawang si Gng. Precy Vitug-Ejercito at dalawang anak.


Base sa video na inilabas ni Joseph Morong ng GMA News sa kanyang Facebook (FB), inaabangan ng media ang senador palabas ng elevator at nang lumabas ay naggitgitan na. 


Pinatatabi naman sila ng security ng gusali para bigyang-daan ang mag-anak, pero dahil sadyang masikip ang daan at napakaraming TV reporters at media, hindi maiwasang magkaroon ng tulakan at gitgitan.


Nakarinig kami ng malakas na sigaw na, “Ano ba!” at pasimpleng kinunan si Janella na siya pala ang nanigaw sa mga tao.


Kaagad namang pinatabi ng security ang mga nag-uunahang kunan ng larawan si Sen. Jinggoy at inalalayan naman sila habang papasok sa kuwarto.


Biglang nakarinig ng malakas na sigaw at iyak na nagmula naman sa bunsong anak na si Jill dahil naipit daw siya, kaya niyakap siya kaagad ng inang si Precy habang papasok sa nasabing kuwarto.


Ang caption ng video ni Joseph Morong ng GMA News ay naipit daw ang bunsong anak ni Sen. Jinggoy at nasaktan dahil sa gitgitang naganap sa Sandiganbayan.


At pagpasok sa isang kuwarto ay makikitang nakaupo na ang senador habang naghihintay at nakatayo naman ang anak na si Janella.


Binasa namin ang lahat ng komento sa post ng GMA News reporter na pawang negatibo ang reaksiyon sa pag-iyak ng anak ng senador.

Sey ng mga netizens:


“Hahahaha! Para ‘yan lang? Araw-araw naming kinakaharap ‘yan sa biyahe. Pwe!”

“Nakakaawa, ‘di ba? Samantalang ang mga Pilipino, araw-araw naiipit sa traffic. Marami na ring nalunod sa baha kahit kaunting ulan lang. Samantalang SILA, ilang dekadang nagpasarap sa pera ng mga naiipit sa traffic at nalunod o nalulunod sa baha!”

“Naks! Parang sila pa inaapi ngayon.”


“OA. Kung kami ngang mananakay ng jeep, nagkakaipitan at halos magkapalitan pa ng mukha, okay lang. Masaya lang na may balyahan nga.”


“Try mo mag-MRT (Metro Rail Transit) o LRT (Light Rail Transit). Arte pa. Hahaha!”

“Grabe, OA. Hahaha! ‘Pag nahahagip ng camera, may paiyak at sigaw agad.”

Hindi na namin isinulat ang iba pang komento dahil personal na, pero may ilan kaming nabasa na sana ay hindi na lang sumama ang mga bata dahil alam naman nila ang magiging senaryo.


Sa ganang amin, siyempre ay gustong suportahan ng mga anak ang tatay nila.

Anyway, may hiling daw si Sen. Jinggoy Estrada, ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla.

“Ang concern n’ya ay ‘yung tuhod n’ya na kailangan ng knee replacement surgery. Sabi ko, it’s beyond our jurisdiction. Sa Sandiganbayan na lang s’ya magpapaliwanag,” sabi nito sa mga reporters.





MAS umiigting ang aksiyon at tensiyon sa Blood vs. Duty (BVD) habang unti-unting nabubunyag nina Richard Gutierrez at Gerald Anderson ang katotohanan sa likod ng pagpapakalat ng ilegal na armas sa bansa.


Tuluyan nang natuklasan ni Marcus (Richard) ang sabwatan ng ilang awtoridad at kriminal na grupo sa operasyon ng smuggling sa kanyang pag-iimbestiga sa Isla Damai.


Samantala, ipinagpapatuloy naman ni Jalil (Gerald) ang kanyang pagpapanggap bilang pulis upang mas mapalalim ang imbestigasyon matapos niyang mapagtagumpayang iligtas ang kanyang adoptive father na si Datu Rahman (Jaime Fabregas).


Dala ng matinding galit at hangaring makamit ang hustisya para sa pagkamatay ng kanyang mga magulang, nakipagtulungan si Lara (Bela Padilla) kay Felix (Baron Geisler) upang mabawi si Datu Rahman mula kay Jalil.


Sa gitna ng lumalalang panganib, patuloy kayang paghihiwalayin ng tadhana sina Marcus at Jalil dahil sa kanilang tungkulin at magkaibang paniniwala, o matutuklasan kaya nila na pareho ang kalabang kinakaharap nila kaugnay ng planong destabilisasyon laban sa gobyerno?


Huwag palampasin ang BVD mula Lunes hanggang Biyernes, 8 PM sa ABS-CBN sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, iWant, at Kapamilya Online Live (KOL) sa YouTube (YT) at Facebook (FB).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page