Kilalanin ang 10 awardees ng Metrobank Foundation Outstanding Filipinos
- BULGAR
- Nov 14, 2021
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 14, 2021
Nitong nakaraang linggo ay binigyang-pugay ng Senado ang sampung huwarang Pilipinong bilang mga awardees ng Metrobank Foundation Outstanding Filipinos.
Tayo ay nag-sponsor ng resolusyon sa Senado — sa pamamagitan ng Senate Resolution number 838 na akda ng inyong lingkod — upang hirangin ang sampung kapita-pitagang Pilipino na nagpamalas ng angking galing at inilaan ang kanilang sarili para sa ikauunlad ng kanilang kapwa.
Ipinakita ng Outstanding Filipinos, na binubuo ng mga guro, pulis, at sundalo, sa kanilang mga gawa na hindi lamang abstract na ideya ang pagmamahal sa bayan, integridad, katapangan, at social responsibility bagkus ay mga katangiang Pilipino na may porma at kahulugan.
☻☻☻
Ang sampung Outstanding Filipinos ay sina:
· Lou Sabrina Ongkiko
· Jason B. Albaro
· Dr. Maria Minerva P. Calimag
· Dr. Iris Thiele Isip-Tan
· Police Chief Master Sergeant Mary Joy B. Ylanan
· Police Lieutenant Colonel Gerard Ace J. Pelare
· Police Lieutenant Colonel Jonathan P. Pablito
· Technical Sergeant Jake P. Belino
· Colonel Augusto N. Padua
· Lieutenant Colonel Elmer M. Boongaling
Nagpamalas ng inobasyon sa paggamit ng teknolohiya ang ating mga guro upang maipahatid ang kinakailangang karunungan sa ating mga mag-aaral, samantalang ginamit ng ating mga sundalo ang kanilang karanasan pagdating sa disaster response at counter-insurgency.
Ang ating mga pulis naman ay nanguna upang paigtingin ang kampanya laban sa sexual at drug abuse, at pagpapaigting sa community engagement para sa peace and order management.
☻☻☻
Dahil na rin sa pandemya, sa kauna-unahang pagkakataon ay ginanap virtually ang screening, evaluation at awarding ng 10 kapita-pitagang Pilipino.
Nawa’y maging inspirasyon ang mga nagawa ng mga awardee, lalo na ngayong may pandemya, upang ialay ang ating mga gawa para sa ating kapwa.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments