Kidnapping at iba pang krimen kaugnay sa socmed, talupan!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 2, 2022
Mula ng pumutok ang balita hinggil sa umano’y white van kidnapping ay maraming magulang ang hindi mapalagay sa seguridad ng kani-kanilang anak lalo pa at nagsimula na ang pagbubukas ng face-to-face classes.
Hindi naman tayo nakatuon sa iisang krimen lamang, tulad nito dahil nais natin na mabigyan ng proteksyon ang ating mga kababayan sa lahat ng klase ng krimen, ngunit iba-iba kasi ang bersyon na naglalabasan tungkol kidnapping na ito.
Ayaw kasing mamatay ng balitang ito bagama’t ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ay tahasang itinanggi na may white van kidnapping incident dahil ang mga naglalabasan umano sa social media ay pawang mga luma at ang iba ay naresolba na.
Sa social media nagsimulang lumaki ang insidenteng ito at hindi maitatanggi na umagaw ito ng atensyon sa publiko at maging ang aking tanggapan ay nakatatanggap ng maraming sumbong mula sa mga magulang na labis ang pag-aalala sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Kaya noong nakaraang Agosto 26, 2022 ay nagpadala ako ng pormal na sulat sa pamunuan ng PNP upang hilingin na seryosong tutukan ang pangyayaring ito dahil hindi tumitigil ang netizen hinggil dito.
Humingi tayo ng pormal na tugon kung may katotohanan ba ang naglalabasang ulat na ito upang maihatid natin sa ating mga tagasubaybay at sa mga magulang na lumapit sa atin para alamin kung totoo o hindi na may gumagalang puting van na nangunguha ng bata.
Humiling din tayo ng summary reports ng kalagayan ng naturang kaso at kung ano ang ginawa nilang aksyon kung meron man dahil hindi biro ang idinulot na pangamba nito sa ating mga kababayan.
Sinong magulang ba naman ang hindi mag-aalala, lalo na ‘yung mga kababayan nating walang sasakyan at naglalakad lamang pauwi ng bahay ang kanilang mga anak o kaya ay namamasahe lamang.
Hindi rin kasi magtugma ang pagtanggi ng PNP at ang nailathala sa mga pahayagan noong Agosto 9, 2022 na may 15-anyos na babae ang dinukot ng ilang lalaki na lulan ng puting van na naganap araw ng Linggo, Agosto 7, alas 7 ng gabi sa Ormoc City, Leyte.
Natagpuan ang biktima kinabukasan, Agosto 8 sa Bgy. Camp Downes sa nasabi ring lugar at agad itong isinumbong ng kanyang ama sa Ormoc City Police Station 1 na isa namang patunay na totoong may white van kidnapping.
Naniniwala rin naman tayo sa press release ng PNP na ang napaulat na 13-anyos na umano’y nakaligtas sa kamay ng mga kidnapper na lulan ng puting van ay walang katotohanan dahil ‘yun ang lumabas sa kanilang imbestigasyon.
Ngayon, halimbawang fake news na naman itong kidnapping sa Ormoc, ayon sa pananaw ng PNP, eh, bakit hindi nila habulin kung sino ang nasa likod ng mga nagsulat sa pahayagan ng balitang ito at kung hindi sasampahan ng kaso ay pagpaliwanagin man lamang.
Hindi ba’t kamakailan lamang ay naglabas ng babala ang PNP na humihikayat sa mga netizen na maging maingat sa pag-share ng impormasyon sa social media para maiwasan umano ang masampahan ng kaso dahil sa paglabag sa anti-cybercrime laws ng bansa.
Ito ay matapos atasan ng PNP Anti-Cybercrime Group ang lahat ng kanilang operatiba na palakasin pa ang cyber patrolling at beripikahin lahat ng video na kumakalat sa social media kasunod ng paglaganap ng fake news at isa na umano rito ang white van kidnapping.
Mariin ang babala ng PNP, sinabi nilang oras-oras ay nakamasid na sila sa mga nagpapakalat ng fake news at sinisiguro umano nilang matutukoy ang mga nasa likod nito sa lalong madaling panahon at kanilang papanagutin.
Ito ang tama nilang gawin, hindi puwedeng basta na lamang palalampasin ang pangyayaring ito na wala man lamang mananagot dahil matindi ang takot na inihasik nito sa panig ng ating mga kababayan, lalo na sa mga mag-aaral at magulang.
Kung totoo na may grupo ng mga lalaki na lulan ng puting van na nangunguha ng bata ay dapat na kumilos ang PNP para maaresto ang mga ito o kaya ay mailantad man lang sa publiko ang posibleng pagkakakilanlan ng mga salarin.
Ngayon kung tulad ng naglalabasan sa mga balita na itinatanggi umano ng PNP ang insidenteng ito ay marapat lamang na arestuhin naman nila ang mga taong nasa likod kung bakit naglagablab ang balitang ito.
Hindi naman siguro mahirap ang kahilingang ito—iharap nila sa publiko ang mga salarin na nangunguha ng bata kung totoo ito at kung hindi naman ay iharap nila sa publiko ang mga taong nasa likod ng walang katotohanang pangyayaring ito.
Ngayon kung alin man sa dalawa nating pakiusap ay hindi magawa ng PNP na posibleng dahilan din kaya hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nila sinasagot ang ipinadala nating sulat ay posibleng may problema.
Una, posibleng wala pa talaga silang lead kung totoo ang kaso at ikalawa ay kulang pa ang kanilang kaalaman para manghuli ng mga gumagawa ng fake news, kaya mas pinipili nilang manahimik na lang.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments