KeyNote Speaker wagi sa Malvar
- BULGAR
- May 20, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | May 20, 2023
Nanalo si KeyNote Speaker sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System noong Linggo na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Hinangaan ng mga karerista ang ipinakitang husay ni KeyNote Speaker kaya naman napag-usapan ito sa social media.
Ginabayan ni veteran jockey Jeffrey Bacaycay, inirehistro ni KeyNote Speaker ang 1:26.2 minuto sa 1,400 meter race upang hamigin ang P10,000 added prize.
Dumating na segundo si King Hans, tersero si Don Lucas habang pumang-apat si Isla Puting Bato sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Si KeyNote Speaker ay anak nina Patron at Perfection at ang naghahanda rito ay si Renato Yamco.
"Aabangan ko 'yung susunod niyang takbo, tingin ko magpapanalo pa ito ng marami," saad ni Loreto Manansala, veteran karerista.
Kulelat sa largahan si KeyNote Speaker pero naging kalmado lang sa pagdadala ang hinete nitong si Bacaycay.
Nasa pang-anim ang winning horse pagsungaw ng rektahan, bakbakan ang nasilayan ng mga karerista sa huling 100 metro ng laban at nanalo si KeyNote Speaker na nguso lang ang pagitan.
Inihahanda ngayon si KeyNote Speaker sa susunod nitong sasalihan at posibleng sa isang stakes race ito isasabak.
Samantala, paniguradong masaya ang mga karerista sa lineup ng kabayong tatakbo ngayong araw ng Sabado at bukas.





Comments