top of page

Kesa raw manghingi sa iba… MARK, PROUD NA NAGSAYAW SA GAY BAR PARA IBUHAY SA PAMILYA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 2, 2025
  • 3 min read

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Feb. 2, 2025



Photo: Mark Herras sa Toni Talks - YT


Nagsalita na si Mark Herras tungkol sa kontrobersiyal na pagsasayaw niya sa gay bar kamakailan na talaga namang pinag-usapan nang husto sa showbiz at sa social media.

Sari-saring reaksiyon ang natanggap ng aktor dahil sa pagsasayaw niya sa gay bar.


Mayroong naawa sa kanya at mayroon namang nalungkot, ang iba naman ay binatikos siya’t sinabihan ng kung anu-anong hindi magandang salita.


Sa panayam kay Mark ni Toni Gonzaga sa vlog na Toni Talks (TT), ipinaliwanag niyang nagtatrabaho lang naman siya.


“Kung napansin n’yo talaga, ang tahimik ng buhay ko. Wala akong isyu na nangyayari except this last one na sumayaw ako sa gay bar, ‘di ba?” simula ni Mark.


“Pero hindi ko s’ya planado. Kumbaga, sumayaw ako kasi trabaho. Basta ang goal ko kasi, to provide,” aniya.


Okay lang naman daw sa kanya at tanggap niya kung wala na siya sa limelight. Pero ang importante raw ay may trabaho pa rin siyang ginagawa.


Tinanong daw siya ng isang nagmamalasakit sa kanya kung gusto raw niyang rumaket sa gay bar bilang performer/dancer. Naisip naman daw niyang wala namang masama kung magsasayaw lang siya.


“So, ako, dumating ako du’n as performer talaga, as guest nila. Kung ano ‘yung ginagawa ko sa mga raket, fiesta. Nagkataon lang na gay bar s’ya,” aniya.


“Hindi naman ako naghubad, eh. Hindi naman ako sumayaw na parang macho dancer or what. I performed, I danced to hip hop, ganu’n. Hindi naman ako nagpa-table or what,” paliwanag niya.


Nagulat na lang daw siya na nag-trending na at naging issue ang pagsasayaw niya sa gay bar. Grabe raw maka-judge ang ibang tao at kung anu-ano na ang sinabi sa kanya na kesyo wala na raw siyang career. Ang iba raw ay pinagtatawanan pa siya.


Pero natutuwa naman siya na may mga nagtanggol din naman sa kanya.

“Hindi naman ako humihingi ng awa pero nasa stage ako ng buhay ko na wala akong pakialam sa mga sinasabi nila,” sambit ni Mark.


Ayon pa sa aktor ay hindi naman daw siya namimili ng trabaho.


“Hindi ako namimili. Basta ako, trabaho, okey ako. So ngayon, nu’ng in-offer-an ako sa Apollo, why not? Trabaho ‘yan, eh. 


“Meron nga akong tinatanggap na mga trabaho, parang magpe-perform ako, parang sa party lang na events place na maliit lang. Still, it’s work, trabaho,” paliwanag pa niya.

Para raw sa anak niya kaya tumatanggap siya ng kahit ano’ng trabaho.


“Ayokong dumating ‘yung time na manghihingi ‘yung anak ko ng pera sa ibang tao dahil wala akong maibigay,” sey ni Mark.


Ayon pa sa aktor, para sa pamilya niya ay kaya niyang lunukin ang kanyang pride.

“Hindi talaga ako papayag na masira o magkaroon sila ng buhay na hindi dapat mapunta sa kanila. Like for example, ‘di sila makapag-aral. Kaya kong gumawa ng paraan para makapag-provide, in a legal way, para lang sa pamilya ko. 


“Kumbaga, pride ko, kaya kong lunukin ‘yan. Kaya kong alisin ‘yung hiya ko sa katawan or pagiging pagkalalaki ko, para lang sa pamilya ko,” deklara pa ni Mark Herras.



PANALO sa mga Kapuso ang pinagbibidahang serye ni Sofia Pablo na Prinsesa ng City Jail (PCJ).


Base sa isang post ng GMA Drama, nakakuha ang programa ng 88 million views across all social media platforms hanggang nitong January 20! Ibig sabihin, isang linggo mula nang mag-world premiere ito noong January 13, marami na agad ang sumubaybay sa kuwento ni Princess. 


Bukod naman sa success nito online, consistent din ang mataas na TV ratings ng PCJ.


Ang nasabing serye ay pinagbibidahan nina Sofia at Allen Ansay, kasama sina Dominic Ochoa, Denise Laurel, Beauty Gonzalez, at marami pang ibang bigating artista.


Komento ng ilang fans sa GMA Network YouTube (YT) channel, “Ganda ng story at magaling lahat ng mga cast. Pagdating sa iyakan, ikaw na talaga, Sofia Pablo! Bigat ng mga eksena, nakakaiyak at nakaka-excite.”


Simula pa lang ng inspiring na kuwento ni Princess kaya tutok lang sa Prinsesa ng City Jail, Lunes hanggang Biyernes tuwing 3:20 PM sa GMA Afternoon Prime at Kapuso Stream.  


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page