top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

KD at Harden, nagleksiyon, Kings ni Coach Alapag, wagi

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 7, 2021
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 7, 2021





Naglabas ng kakaibang bangis ang Golden State Warriors upang padapain ang bisitang New Orleans Pelicans, 126-85, upang makibahagi sa liderato ng buong NBA kahapon sa Chase Center. Ito na ang ikatlong sunod ng Warriors at pumantay muli sila sa nagpapahingang Utah Jazz sa 7-1 panalo-talo.


Sa sobrang dominasyon ng Golden State ay pinaupo na ni Coach Steve Kerr si Stephen Curry na may 8:54 nalalabi sa 4th quarter, 99-72. Lalo pang pinalaki ng mga reserba ang lamang na umabot ng 44 puntos, 126-82, sa likod nina Moses Moody at Gary Payton II.


Humalimaw ng 26 puntos si Jordan Poole buhat sa anim na tres sa 28 minuto ng aksiyon. Hindi sumapat ang 20 puntos ni Jonas Valanciunas na takpan ang hindi paglaro ng mga pilay na pambato ng New Orleans na sina Zion Williamson at Brandon Ingram na lagapak sa anim na sunod na talo at pinakailalim ng NBA sa 1-9 panalo-talo.


Nagwagi ang Brooklyn Nets sa Detroit Pistons, 96-90, kung saan tinuruan ng basketball ng mga beteranong Nets si rookie Cade Cunningham ng Pistons. Halimaw si Kevin Durant sa 29 puntos at 10 rebound habang triple double si James Harden na 13 puntos, 10 rebound at 10 assist para balewalain ang 17 puntos ni Cunningham.


Samantala, bomalabs pa ring makalaro sa Nets si Kyrie Irving dahil hindi babaguhin ng bagong New York City mayor ang patakaran hinggil sa bakuna. Ipinasok ni Darius Garland ang dalawang free throw na may 4.8 segundo sa orasan upang itulak ang bisitang Cleveland Cavaliers sa tagumpay kontra Toronto Raptors, 102-101. Nagtapos si Garland na may 21 puntos. Tinalo ng New York Knicks ang Milwaukee Bucks, 113-98.


Samantala, naging maganda ang simula ng bagong karera ni PBA legend Jimmy Alapag bilang assistant coach ng Stockton Kings sa pagbubukas ng 2021 NBA G League Showcase Cup. Sa likod ng 33 puntos ni Louis King, nagwagi ang bisitang Kings sa Santa Cruz Warriors, 122-97, sa Kaiser Permanente Arena.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page