Kaya super sweet sa set… MIGUEL AT YSABEL, INAMIN NA ANG ISA'T ISA
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | July 28, 2022

May dahilan naman pala kaya very proud si Miguel Tanfelix sa rumored girlfriend niyang si Ysabel Ortega sa TV series na What We Could Be na mapapanood na sa GMA-7 simula sa Agosto 15 na idinirek ni Jeffrey Jeturian.
Nasambit kasi ni Miguel bago nagsimula ang advance screening ng What We Could Be na, "Sobra akong masaya for Ysabel sa first lead role niya."
Oo nga, sa pilot week ng series ay bidang-bida si Ysabel at ilang beses lang ipinakita si Miguel at ibang cast.
First time naming napanood si Ysabel at naniniwala kaming isa siya sa mga next big thing ng GMA-7.
Mahusay pala siyang umarte at ang ganda at ang kinis ng mukha sa screen, walang pores, pati ngipin at gums, ang linis.
Inisip nga namin na baka maganda ang pagkakailaw ng director of photography na si Neil Daza, pero hindi, eh, kasi natural 'yun ng dalaga dahil nang makaharap namin siya ay nagniningning ang ganda niya.
Ang lakas ng chemistry nina Ysabel at Miguel sa screen, bagay silang love team on and off camera, kaya no wonder, "Yes" kaagad ang sagot ng aktor sa tanong kung crush niya ba ang aktres.
Samantala, super proud si Miguel pagkatapos niyang mapanood ang pilot week ng What We Could Be dahil ang ganda.
“Excited kami na mapanood siya sa TV kasi actually, medyo technical side ito kasi 16 X 9 na kasi ‘yung series, sobra-sobra sa series,” sambit ng aktor.
Dagdag naman ni Ysabel, “Yes, I think this is the first time na nag-adapt ang GMA na 16 X 9 ratio na movie, so, that’s really exciting and grabe.”
Sa madaling salita ay movie-serye na ang What We Could Be, na una naming narinig naman ito sa Suntok sa Buwan show nina Aga Muhlach at Elijah Canlas na umeere ngayon sa TV5 na idinirek ni Geo Lomuntad at ang producers ay sina Direk Dan Villegas at Antoinette Jadaone.
Umayon naman si Miguel sa pagbanggit naming ‘movie-serye’ ang What We Could Be.
“Parang ganu’n ang treatment na ginawa namin and ngayon lang namin nakita nang ilatag na lahat ang mga eksena na para kang nakasakay sa surf board na kung anu-ano ‘yung nararamdaman mo,” esplika ng binata.
Si Ysabel naman ay hindi pa rin makapaniwalang kasama siya sa What We Could Be.
“I’m so grateful and so proud of what we were able to produce.”
Inamin niyang sulit ang pagod nila dahil buong araw silang halos walang upuan sa dami ng mga eksenang kailangang tapusin at kahit drained na sila ay hindi niya naramdaman dahil ang ganda ng role niya.
At siyempre, dahil kasama ni Ysabel si Miguel, “And it’s been so grateful na sa first lead role ko, kasama ko si Miguel dahil sobrang laking tulong niya for me.”
Inspired nga ba si Miguel sa What We Could Be dahil kasama niya ang crush niya?
“Isa po ‘yun sa mga dahilan kung bakit po ako inspired sa project na ito, pero isa rin ‘yung rule sa sarili ko na every time mag-work ako, kailangang inspired ako, and thankfully, isa si Ysabel sa mga nagbibigay ng inspirasyon sa akin.”
Kaya ang hirit namin ay, "Revelation na ba ito ng real-score ng relasyon n'yo?"
“Well, lahat naman po tayo, puwedeng maging inspired, hindi naman kailangang maging magdyowa. Crush? Yes, sino ba namang hindi?” sagot ng aktor.
Ang ganda naman ng ngiti ni Ysabel sa tanong kung crush siya ng leading man niya at sa sinabi naming ‘crush nila ang isa’t isa’ ay umayon ang dalaga.
Inamin din ni Miguel na kapag nasa set sila ay inaalagaan niya si Ysabel lalo na kapag nakita niyang pagod na ang dalaga. Kaya roon daw nanggagaling ang sweetness niya dahil may tsikang sweet sila sa set ng What We Could Be.
Sense of humor ang nagustuhan ni Ysabel kay Miguel at ang pagiging corky-innocent naman ang type ng aktor sa dalaga.
Inamin din ng GMA insider na sina Miguel at Ysabel talaga ang ipinu-push nilang love team dahil base sa survey ay malakas ang dalawa at nakatulong din daw ang tsikang magdyowa na sila.
Abangan ang What We Could Be sa Agosto 15 produced ng Quantum Films at GMA-7.
Kasama rin sa show sina Yasser Marta, Bimbo Bautista, Soliman Cruz, Joel Saracho, EJ Jallorina, Vince Crisostomo, Lia Salvador, Pam Prinster and Joyce Ann Burton.
Other cast are Art Acuña, Aleck Bovick, Hailey Mendes at Celeste Legaspi.





Comments