Kaya raw umalis na lang siya… ARIEL, IBINUKING NA LUGI NA ANG PRODUCER NG LOL
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | March 17, 2022

Nakakatuwa ang Cristy Ferminute radio program ni Nanay Cristy Fermin kasama si Romel Chika sa 92.3 News FM at sa YouTube channel nitong OnePh at Cignal play app dahil bukambibig ng mga Marites (tawag sa tsismosa) na kapag may sumabog na isyu ay babanggitin ang CFM bilang source ng balita.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang mapaamin ni ‘Nay Cristy si Rey ‘PJ’ Abellana nu'ng mag-guest ito sa CFM para i-promote ang pelikula nilang Mamasapano produced ng Borracho Film Production owned by Atty. Ferdinand Topacio.
Knowing Nanay Cristy, hindi niya pinakawalan si Rey PJ nang hindi natatanong tungkol sa anak nitong si Carla Abellana at manugang na si Tom Rodriguez at boom, talk of the town nitong buong weekend ang tatlo!
Nitong Martes, Marso 15, si Ariel Rivera naman ang umaming lugi na ang Lunch Out Loud na noontime show ng TV5 kaya umalis na siya.
Nag-guest si Ariel para i-promote rin ang reality show na Sing Galing on its second season na kasama siya bilang isa sa mga hurado with Jona.
May tagasubaybay ang Cristy Ferminute na nagpadala ng mensahe kay Nanay Cristy para itanong kung bakit umalis si Ariel sa Lunch Out Loud, bagay na sinabi ng host na ayaw niyang tanungin, pero ang singer/actor/host na rin ang nagsabing "Sige, ano ‘yun? Sasagutin ko lahat."
At ang sagot ni Ariel, “Unang-una, may problema sa budget, tapos ang producer namin, eh, mabait, sobrang bait. In fact, nalulugi na po siya (ex-Cong. Albee Benitez), eh, ayoko namang bumigat pa ‘yung problema niya.
“So, imbes na mahirapan pa siya, babawasan ko na lang ‘yung gastos, umalis na lang ako. Kaya umalis ako ru’n, hindi masama ang loob ko kundi masakit ang puso ko kasi mahal na mahal ko ‘yung mga tao ru’n. Kahit sinong tanungin n’yo ru’n, mahal na mahal ko ‘yung mga tao.
“'Yung producer namin, wala po siyang ginawa kundi ibigay ang kailangan ng show, kung ano ang kailangan namin, ibinibigay niya po lahat. Kaya ayaw kong pahirapan siya, ang laki ng tulong niya sa show, nagpapasalamat ako.
“Hindi ko na siya napasalamatan, ngayon pa lang. Kaya kung nakikinig si Congressman Albee, gusto kong magpasalamat sa inyo, pero ayaw ko nang maging pabigat sa production. And alam ko naman, ang huhusay ng mga hosts doon, mabubuhay ‘yung show kahit wala ako, ‘yun na lang. ‘Yun ang totoong dahilan po nu’n.”
Inamin din ng CFM host kay Ariel na matagal na niya itong nabalitaan at ini-report sa radyo na kailangang magbawas nga ng budget ang producer tulad ng tatlong beses na taping sa isang linggo na dalawa lang ang may bayad.
Kinausap naman daw si Ariel tungkol dito at napagdesisyunang magpaalam na lang.
“Tama ‘yung sinabi mo sa kabila ng pagkalugi ng producer, itinutuloy pa rin,” sambit ni ‘Nay Cristy kay Ariel.
Umayon naman ang hubby ni Gelli De Belen sa mga kuwento ng batikang manunulat at host.
“Kasi maganda po ‘yung show, sobrang ganda po nu’ng show.”
Abut-abot naman ang pasalamat nina 'Nay Cristy at Romel kay Ariel sa pagiging honest nito.
Ang Sing Galing ay produced ng Cignal at line produced ng Cornerstone Studio mula sa direksiyon ni Mel Feliciano.





Comments