Kaya pa rin ng mga Pinoy na patalsikin ang mga korup at taksil

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 7, 2026

Sino ang nagsimula ng giyera sa Iran? Sino ang nagbibigay ng pinakamalaking suporta sa Israel sa anumang naising awayin o lusubin nito? Sino ang naninira sa mga kritiko at pawang kalaban at tinatawag ang mga ito na “komunista” habang tuloy ang tagong pakikipag-usap sa Russia? Sino ang masugid na kumakalaban sa mga migrante at pinalalabas na ang mga ito na naging sanhi ng maraming problema ng kanyang bansa.
Dahil dito kailangan ang isang mahigpit na “immigration policy” at walang patawad na “deportation process.” Ito ang dahilan sa paglikha ng US Immigration and Custom Enforcement (ICE), sa ilalim ng U.S. Department of Homeland Security (DHS) At sino ang sinisisi ng kanyang mga kababayan at ang mga mamamayan ng maraming bansa na siya ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo na siyang nagpapahirap sa buhay ng marami at dahil ito rin ang sanhi ng pagtaas ng presyo ng lahat ng bilihin?
Bagama’t madaling sagutin ang tanong, merong panganib na mapapahamak ang sinumang sumagot at magpahayag ng kanyang opinyon o saloobin sa masamang nangyayari sa Estados Unidos sampu ng sanhi nito. At mas mapanganib kung hindi ka puti kundi itim; kayumanggi; dilaw at iba pa. Ngunit, nagsimula nang magsalita ang marami lalo na ang mga kabataan. Tulad ng mga malalaking kilos-protesta sa Pransiya, nagsimula na rin ang malalaking rally sa Estados Unidos. At tila kumakalat na rin ito. Tingnan natin ang nangyari sa Serbia at Brazil. Lumaganap ang kilusang mag-aaral na “Student List” na isa sa malaking nagtulak sa pagkatalo ng autokratikong Aleksandar Vučić. Nanalo ng ika-4 na termino sa Brazil ang kasalukuyang Presidente nitong si Luiz Inácio Lula da Silva (kalaban ang kandidato ng kanan na si Flávio Bolsonaro na tumakbo sa Estados Unidos).
Nababalot ngayon ng blue, kulay ng mga Democrats ang buong Estados Unidos. Todo-todo ang pagkatalo ng mga Republicans sa katatapos lang na midterm elections.
Naipanalo ng mga Democrats ang mayorya ng mga posisyon sa kanilang House of Representatives at Senado, sampu (10) ng mga Gobernador. Kaya’t tinawag ito ng mga eksperto na “Blue Tsunami” dahil napalitan ang dating pulang (kulay ng mga Republicans) US ng laganap na blue! Mapapanood sa social media kung paano nagdiwang ang maraming Amerikano sa kakaibang midterm election na katatapos lang.
Hindi lang nanalo ang mga Democrats kundi humina nang husto at unti-unti nang matatapos ang naturang Administrasyong Trump. At opisyal nang tinatawag ang kasalukuyang Presidente ng Estados Unidos na “Lame Duck President.” Mula ngayong hanggang sa kanyang pagbaba sa puwesto sa loob ng dalawang taon, lahat ng naisin niyang itulak na panukala bilang Presidente ay haharap sa matinding oposisyon.
Hindi lang oposisyon ang haharapin ng kasalukuyang Presidente ng Estados Unidos at ng kanyang mga kakampi. Natatayang umabot ng $2 bilyon (P126B) ang kinita ng kasalukuyang Presidente ng Estados Unidos. Tiyak na sisimulan na ang pagsisiyasat sa pinagmulan ng napakalaking halaga na kinita ng mga business ng Presidente. Susunod na rin ang imbestigasyon sa mga abuso at lantarang krimen ng ICE laban sa mga migrante. Tiyak na magbabago ang ihip ng hangin tungong Iran. Harinawa ay magsimula na ang pakikipag-usap at huminto na ang pakikipag-giyera. Paano na si Netanyahu at ang inaasahang bilyun-bilyong dollares na suporta ng Estados Unidos.
Kulay bughaw ang mapayapang langit. Ito rin ang kadalasang kulay ng kapayapaan. Nabalot ng pula, kulay ng dugo ang maraming bahagi ng mundo, mula Gaza hanggang Maynila at ang mga siyudad na dinaluyan ng dugo mula sa pinilit at pinekeng Giyera laban sa droga. Iisa lang ang mensahe ng mga sunud-sunod na panalo laban sa mga rehimeng marahas at populista. Hindi maghahari ang madilim at sakim na pulitika. Hindi pababayaang manaig ang karahasan at kamatayan ng espiritung hibang ng giyera. Hindi maaaring manatili at laging maghahari ang oligarkiya at mga dinastiya na mistulang mga linta o bampirang sisipsip sa buhay at kaluluwa ng mga mamamayan.
Ang blu ang kulay ng posible. Posible ang unang babaeng itim na Gobernador; ang unang lgbtqia na Senador, ang unang Muslim na Senador at ang unang Gobernador na Native American. At posibleng matapos ang kasalukuyang rehimeng tuwirang sumisira sa demokrasyang kumikilala, gumagalang at nagsusulong ng dangal at karapatan ng bawat tao. Hindi lang ang mga Amerikano ang nagdiriwang. Nagkulay blu ang Eiffel Tower sa Paris at ang Niagara Falls sa Canada. Posibleng-posible ring magising ang bawat mamamayang Pilipino at sama-samang paalisin at palitan ang mga namumunong sakim, korup, taksil at walang kakayahang mamuno. Kung merong tsunaming blu sa Estados Unidos, unti-unting nahihinog, namumuo ang tsunaming kayumanggi sa bansang Pilipinas. Oo, posibleng-posible ang tunay na pagbabago at tunay na kapayapaan!





Comments