Search
  • BULGAR

Kaya nakabuo ng pelikula tungkol sa mga may 'tililing'… DIREK NG MOVIE NI BARON, UMAMING BALIW

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | February 23, 2021





Naging malaking isyu ang movie poster ng Tililing nang mapansin ito ng aktres na si Liza Soberano at nagbigay siya ng opinyon.


Ipinost ng aktres ang komento niya sa kanyang Twitter account tungkol sa Tililing poster na nakalabas ang mga dila ng mga bida sa pelikula sa pangunguna nina Gina Pareño, Candy Pangilinan, Chad Kinis, Donnalyn Bartolome, Yumi Lacsamana at Baron Geisler na obviously ay may mga tililing nga sila.


Mental health advocate si Liza at para mapalawig pa ang kaalaman niya tungkol dito, nag-enroll siya ng kursong BS Psychology sa Southville International School and Colleges.


Base sa tweet ni Liza noong Pebrero 8, “Really hoping that this movie will spread awareness and enlighten us on the struggles of dealing with mental health. But the poster? It’s a no for me. Mental health is NOT a joke. Stop the stigma.”


Ang direktor ng pelikulang Tililing na si Daryll Yap ang sumagot kay Liza ng, “Kapag napanood n'yo na po ang #Tililing ay mauunawaan ninyo bakit ito ang titulo, bakit nakalabas ang kanilang dila; at bakit namin tinitindigan ang kalidad at mensahe ng pelikula. Kaisa po ninyo kami sa inyong adbokasiya.”


Nakatikim ng pamba-bash si Liza dahil dito at masyado nitong sineryoso ang movie poster pero dinedma na ito ng aktres at ang manager niyang si Ogie Diaz ang nagsabing, "Aminin natin na dahil sa pagpuna ni Liza ay umingay at malaking tulong ito sa pelikula ng Viva Films.”


Pero mukhang dedma naman na si Direk Daryll na sa tuwing may pelikula siyang ipapalabas ay laging kakambal ang kontrobersiya tulad sa Jowables at Paglaki Ko Gusto Kong Maging Pornstar. At heto ang ikatlo, Tililing.


“I don’t really handle haters. Some people may claim that they’re just critics. Sabi nga nila, gasgas na, good or bad publicity is still publicity. Siguro, I look at it more of a blessing dahil number one, hindi napapagod ang Viva sa kaka-promote ng movie, iyon po ang tingin ko, it’s a blessing and how do you handle blessings, I share them, every blessing that I get,” paliwanag ni Direk Daryll sa virtual mediacon ng pelikula niya nitong Lunes nang tanghali.


Bago na ang movie poster ng pelikula, dahil ba ito sa napansin ni Liza?


“Wala naman pong pinalitang movie poster, wala namang pamantayan na dapat isa lang ang movie poster. ‘Yung ipinost na anim na mukha na naka-dila ay design ko. Ang inilabas naman po ng Viva, ‘yun po ay design nila. Viva allows me to market my own film. ‘Yung unang poster na lumabas ay disenyo ko po at hindi ng Viva Films. At dahil ipalalabas po ito sa movie theaters this March 5 ay karapatan ng Viva na gamitin nila ang poster nila na disenyo nila,” paliwanag mabuti ng batang direktor.


Naikuwento rin ni Direk Daryll na nabuo niya ang kuwento ng Tililing noong 2009 nu’ng ang mismong tiyahin niya na kapatid ng tatay niya ay ipinasok sa isang mental institution dahil may mental illness.


Sa tanong namin kung may konek din sa pagkatao niya or minsan ba ay nararanasan ni Direk Daryll na sinusumpong siya ng "tililing" o "saltik", aniya, “Sa palagay ko, kaplastikan na lang ang magsasabing ni minsan ay hindi tayo nawala sa ating sarili kahit gaano tayo ka-successful, kabuting tao, kabait (sa iba). Kung gaanuman tayo kayaman, dumarating tayo sa punto ng ating buhay na sa palagay natin ay napapagod at nauubos tayo or nararating na natin ang dulo ng ating mitsa.


“Para po sa akin, walang espesyal na tao ang hindi nakakaranas sa buong buhay ng kanyang existence na hindi siya naitulak sa gilid ng bangin, hindi siya nakaranas ng pagtatraydor ng kapwa, hindi man lang siya nakaranas ng panloloko ng pagmamahal, o bansagan ng kung anu-ano.


“Ang pelikulang ito ay nakakonekta sa pagkatao sapagkat ako po ay isang baliw in every sense at naniniwala ako na ang bawat isa ay may kabaliwan. May mga kapatid tayo o kapwa na hindi na nakaka-recover mula rito.


“Ang kuwento ng pelikula ay tungkol sa mga taong lahat ay may pinagdaraanan, lahat ng tao ay naiiwan kung saan sila nagdaraan, ngunit may mabubuting tao na umaalalay at kumakarga sa kanila, humihila palabas kung saanman sila nagdaraan ngayon.


“Ang pelikulang ito ay para sa mga dating depressed, sa mga depressed, sa mga nade-depressed, dumaan sa mga chemical abuses o kaya ay nagdaan sa mga panghuhusga ng lipunan. Isa po itong testament na pantay-pantay tayong lahat sa estado sa lipunan, mayaman o mahirap,” mahabang pahayag ni Direk Daryll.


Kaya sa mga nanghusga o nang-bash sa pelikula ay iniimbitahan ni Direk Daryll na panoorin ang Tililing sa Marso 5 sa mga piling sinehan sa GCQ areas at sa Vivamax.


At dahil mapapanood na ito sa mga sinehan, na-review na kaya ito ng MTRCB at ano ang rating?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.