Kaya nagbabu na… TITO SEN: 'DI NA NAMIN NASIKMURA ANG GUSTONG GAWIN NG TAPE, INC.
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | June 3, 2023

Matapos ang historical farewell nina Tito Sotto, Vic Sotto and Joey de Leon (TVJ) sa TAPE, Inc. (producer ng Eat… Bulaga!) last May 31, nakapanayam ng mag-asawang sina Julius at Christine Babao si Tito Sen nu’ng Thursday sa programa nilang Julius and Tintin sa One PH at dito ay marami siyang naging rebelasyon.
Una niyang ini-reveal na biglaan lang daw ang kanilang pamamaalam that day at pumasok silang lahat para mag-show nang live.
Wala pa silang desisyon na magpaalam and in fact, nakipag-set pa nga raw ng meeting sa kanila ang TAPE management.
Pero, nagulat na lang daw ang lahat nang ayaw na silang payagang mag-live ng TAPE management.
“So, biglang naisip namin, ‘Ah, siguro, ito na ‘yung bendisyon ng Panginoon na magdesisyon tayo.’ So, kung mapapansin mo, medyo nangapa kami nang kaunti sa gusto naming sabihin.
“Pero nai-deliver namin ‘yung message which is, we are disengaging from TAPE, Incorporated.
The rest, tingnan natin kung ano’ng mangyayari after.
“Pero hindi na namin na-tolerate ‘yung mga gustong gawin, saka ‘yung mga naging dahilan kung bakit kami napilitang magdesisyon at mag-usap-usap,” pahayag ni Tito Sen.
“Gusto sana naming i-welcome ‘yung June 1, eh, kaya kami nagsipasok nang sama-sama, eh,” aniya pa.
Sinagot din ni Tito Sen ang ini-release na official statement ng TAPE, Inc. na tuloy pa rin ang EB! with new hosts at kung puwede pa rin bang gamitin ng kumpanya ang titulong Eat… Bulaga!.
Iginiit ni Tito Sen na naka-file ang copyright ng EB! sa TVJ, pero aniya, “Kaya sige, di gamitin muna nila (ang EB! title) habang nag-iisip pa kami kung ano ang mga susunod naming steps, pagkatapos, di bayaran. Madali namang maningil, eh.”
Pero sinigurado ni Tito Sen na one of these days ay magbabalik ang EB! sa telebisyon dahil sa ngayon ay tatlong networks na raw ang may offer sa kanila. Nakikipag-usap daw sila sa NET25, Cignal, One PH and TV5.
“Saka nakakatuwa, ‘yung isang member ng board ng Channel 9, kaibigan ko, anak ni (yumaong) Kitchie (Benedicto, dating RPN-9 executive), tumawag sa akin, tinatanong kung gusto naming i-consider sila,” pagbabahagi ni Tito Sen.
Sa ngayon ay hindi pa binanggit ni Tito Sen kung nakapagdesisyon na sila kung alin ang tatanggapin nila, pero ang sigurado ay hindi pa magreretiro ang TVJ at nais pa nilang i-celebrate ang 50th anniversary ng EB! which is 6 years from now.
Magdiriwang din ng 44th anniversary ang EB! sa July 30, 2023 at ayon kay Tito Sen ay sinisikap nilang makabalik before this date para i-celebrate ito.
“Hopefully, very soon (mapanood na sila), kasi ayaw naming mawalan ng trabaho ‘yung mga production staff, saka ‘yung mga empleyado, ‘yung mga ibang crew, mga cameramen,” aniya.
Marami rin daw silang bagong pasabog sa kanilang pagbabalik, “Marami kaming gustong gawing bagong portion after July 30,” aniya.
“Naku, magaganda, nakakatuwa,” dagdag pa niya.
Ayaw munang sagutin ni Tito Sen kung ilang percent na ba ang kanilang desisyon sa kanilang napipisil na network dahil baka raw may magtampo. Pero nasa pagitan daw ng 85% at 90% ang kasiguraduhan.
“Mag-uusap pa ulit kami, may meeting kami mamaya,” aniya.
Sinigurado rin niyang kasama ng TVJ ang buong Dabarkads na nagsipag-resign din sa TAPE, Inc. noong May 31.
Sa huli ay nagpasalamat si Tito Sen sa lahat ng mga nakikisimpatya at sumusuporta sa kanila.
Labis daw na ikinaantig ng kanilang damdamin ang mga nababasang magagandang mensahe sa kanila ng ating mga kababayan sa buong mundo.
“Si Pareng Joey, mga tatlo o apat na beses nang umiiyak, eh. Sinasabi sa akin habang kausap ko sa telepono. Natutuwa kami. Sobra ang pasasalamat namin sa Panginoong Diyos, una sa lahat.
“Pangalawa, sa ating mga kababayan, sa kanila na tumangkilik ng Eat… Bulaga!, tumangkilik ng TVJ, taos-puso ang aming pasasalamat at ‘di naman kami makakarating dito kung ‘di dahil sa kanila,” pahayag ni Tito Sen.





Comments