top of page
TALKIES - MAYOR VICO, UMAMING NEVER NAISIP MAG-SHOWBI-IG _vicosotto.jpg

Kaya ‘di gumamit ng e-wallet... P2.7B ayuda, posibleng mapunta sa “ghost drivers” — DSWD

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 24
  • 2 min read

ni Jeff Tumbado @News | April 24, 2026



Rex Gatchalian


Ipinagtanggol ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang desisyon nitong magsagawa ng pisikal o manual na payout para sa unang bugso ng P5,000 fuel assistance para sa mga public utility vehicle (PUV) driver, dahil kailangan pang beripikahin ang listahan ng mga benepisyaryo.


Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, maraming problema ang listahang isinumite ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng mga transport network companies, kabilang ang mga dobleng pangalan at iba pang problema sa dokumento.


Babala ng kalihim, kung hindi dumaan sa personal na beripikasyon, posibleng umabot sa mahigit P2.7 bilyong pondo ng gobyerno ang mapunta sa mga “ghost drivers”.


“May mga listahan na napakaraming errors—tatlo-tatlo ang pangalan, doble-doble. Isipin n’yo kung dineposito na lang agad sa mga account, kami ang mananagot,” ani Gatchalian.

Dagdag pa niya, nasa 80 hanggang 85 porsyento lamang ang claiming rate ng ayuda. Ang natitirang 15 porsyento umano ay maaaring hindi na aktibong driver o kaya ay hindi naman talaga kwalipikado.


Ipinaliwanag din ng DSWD na hindi sapat na umasa lamang sa lumang database na ginamit noong panahon ng pandemya ng COVID-19, dahil karamihan sa mga nakalista rito ay mga operator at hindi mismong mga driver na direktang sumasagot sa gastusin sa krudo.


Inamin din ni Gatchalian na nahaharap sa hamon ang pamahalaan sa pamamahagi ng ayuda para sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers, motorcycle taxi riders, at delivery riders.


Pinaghihinalaan niya na may mga ride-hailing at delivery platforms na hindi ibinibigay ang kumpletong listahan ng kanilang partner-drivers, posibleng dahil lumampas na ang mga ito sa itinakdang limitasyon ng mga transport regulator.


Sa kabila ng mga hamon, nananatiling kumpiyansa ang DSWD na matatapos ang distribusyon ng fuel subsidy sa mga kwalipikadong driver sa Metro Manila bago sumapit ang Abril 30.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page