Kaya botong-boto sa BF ni Julia… MARJORIE, NAGKANEGOSYO DAHIL KAY GERALD
ni Beth Gelena @Bulgary Files | June 13, 2023

Puring-puri ni Marjorie Barretto si Gerald Anderson nang maging guest niya ito sa kanyang YouTube vlog.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na ang aktor ay boyfriend ngayon ni Julia Barretto na anak ni Marjorie.
Naglambing pa nga si Gerald sa ina ng kanyang girlfriend na ipagluto siya ng chicken curry para sa kanilang lunch dahil ito raw ang paborito niyang pagkain.
Ang eksena, kumakain sila habang nagkukuwentuhan. Makikitang komportable na ang pakikitungo ng dalawa sa isa’t isa.
Ayon pa kay Marjorie, una niyang nakilala si Gerald noong hindi pa ito sikat na artista at kalalabas pa lang sa Pinoy Big Brother house.
Aniya, kasama ni Gerald ang iba pang mga kaibigang artista nang nakita siya nito at ang aktor lang daw ang lumapit sa kanya para bumati. Sobra raw na-appreciate ni Marjorie ang gesture na ginawa ng aktor.
Pag-amin naman ni Gerald, hindi raw niya masyadong kilala noon si Marjorie pero mukha raw itong artista kaya siya mismo ang lumapit dito.
Ipinagyabang daw ng ina ni Julia sa kanyang mga anak ang ginawa ng aktor noon para ipaalala sa mga ito ang kahalagahan ng pagbibigay-galang sa mga artistang mas nauna sa kanila.
“Pag-uwi ko, iniyayabang ko sa mga bata ‘yun. Iniyayabang ko ‘yun. ‘Alam n’yo si Gerald, bumati,' ganyan. Kasi gusto kong maintindihan ng mga anak ko ‘yung difference kung marunong kang bumati.”
Ito umano ang isa sa mga dahilan kung bakit mas madali silang naging malapit ni Gerald sa isa't isa.
Ang aktor naman ang tinanong ni Marjorie kung ano ang first impression nito sa kanya.
Ani Gerald, ang mga kaibigan daw niya ang may impression sa mga Barretto.
Kuwento ng aktor, nakisuyo siya sa kaibigan na ipag-drive nito ang pamilya ni Julia. Una ay ayaw daw ng kanyang friend dahil ang thinking daw kasi nito ay baka tarayan siya dahil mga Barretto nga sila.
Sabi ni Marjorie, “Ah, intimidating.”
Sagot naman ni Gerald, “Yes, Tita. Kasi nga po kapag sinabing Barretto, mga kilala sa showbiz.”
Super happy din ang ina ni Julia dahil nakikita niya ang maayos na pakikitungo ni Gerald sa kanyang bunsong anak na si Erich.
Aniya, nu’ng araw ay hindi niya pinapayagang mag-isang sumakay ang bunsong anak sa escalator dahil natatakot daw siya na baka madisgrasya ito.
Pero, ang aktor daw ang nag-insist na hayaang sumakay si Erich nang mag-isa sa escalator which is a good thing naman pala dahil ngayon ay marunong na ito at hindi na rin takot.
Sabi nga ni Marjorie, “Nakikita ko sa ‘yo na magiging mabuti kang ama sa iyong mga magiging anak.”
Bukod doon, bilib din ang ina ni Julia kay Gerald sa husay nito sa pagpapatakbo ng mga negosyo.
Sa katunayan, ang aktor daw ang nagturo kay Marjorie kung paano magsimula ng business.
Katulad nu’ng isang place nila na nakatiwangwang lang, nag-suggest daw si Gerald na bakit hindi niya ito pagkakitaan para may pumapasok na income.
So, ‘yun na nga! Mukhang botong-boto naman si Marjorie kay Gerald para sa kanyang anak na si Julia. Kumbaga, kasalan na lang talaga ang kulang.
Naiinip na ba ang mga fans?





Comments