Kaya away-away na ang magkakapatid… PAULO, SINULSULAN DAW SI KIM SA NEGOSYO
- BULGAR

- Aug 20
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 19, 2025

Photo: Kim Chiu at Paulo Avelino - IG
Labis na ipinagtataka ng mga fans ni Paulo Avelino kung bakit nadadamay ang aktor sa nagaganap na away ni Kim Chiu at ng kanyang mga kapatid.
Bakit daw ibinabagsak ang sisi sa aktor kung nagawa man ni Kim na magtanong sa kanyang Ate Lakam tungkol sa financial status ng kanilang mga negosyo?
Kahit sabihin pang magkapatid sila ni Lakam, karapatan pa rin ni Kimmy na alamin ang kinikita ng kanilang negosyo na milyon ang kanyang ipinuhunan.
Pero ayon sa ilang malalapit sa pamilya nila, nagbago raw ang ugali ni Kim mula nang dumating sa buhay niya si Paulo. Malaki ang tiwala ng aktres sa kanyang Ate Lakam kaya ipinaubaya niya rito ang pamamahala sa kanilang negosyo.
Ngunit naisipan nga ni Kim na alamin ang financial status ng kanilang negosyo at labis niyang ikinalungkot ang natuklasan niya.
May ilang nagsasabi na baka si Paulo ang nagsulsol kay Kim na alamin ang takbo ng kanilang negosyo. At ‘yun nga, nagkakagulo na ang kanyang mga kapatid at nag-unfollow na sa isa’t isa sa Instagram (IG).
Gulung-gulo ngayon ang isip ng Chinita Princess kung ano ang gagawin sa sitwasyon. Mabuti na lamang at dinamayan siya ng BFF niyang si Bela Padilla at ni Direk Lauren Dyogi na pinuntahan pa siya sa Cebu para sa moral support.
MUKHANG naging malaking impluwensiya si Coco Martin kay Gerald Anderson kaya nakaisip na rin itong magdirek sa telebisyon.
Pinag-aralan munang mabuti ni Gerald ang mga aspeto ng pagdidirek bago siya sumabak. Kinausap din niya ang ilang magagaling na direktor na kanyang nakatrabaho para makakuha ng tips kung paano magdirek sa telebisyon. Kaya naman sa seryeng Sins of The Father (SOTF), sinubukan na ni Gerald ang kanyang kaalaman at kakayahan sa pagdidirek.
Para naman sa mga fans niya, maganda ang hakbang na ito ng kanilang idolo. Panahon na upang subukan ni Gerald na mag-excel sa ibang larangan na konektado sa showbiz. Matagal na rin siya sa movie industry at kaya na niyang magdirek sa telebisyon.
Tulad ni Coco Martin na direktor ngayon ng Batang Quiapo (BQ), walang pormal na edukasyon si Gerald sa larangan ng pagdidirek pero natuto siya. Maging ang ilang de-kalibreng veteran stars ay nagsasabing pasado ang aktor bilang direktor.
SA isang episode ng House of D (HOD) na napapanood sa YouTube (YT), nabanggit ni Kristine Hermosa na kapag nag-aaway o nagkakatampuhan sila ni Oyo Sotto ay hindi ito nagso-sorry kahit siya ang may kasalanan.
Matigas daw ang loob ng mister kaya si Kristine na lang ang unang nakikipagbati.
Ginagawa niya ito upang hindi na tumagal ang tampuhan nila ni Oyo, at ‘yun ang sikreto kung bakit tumagal ang kanilang pagsasama.
Kailangan daw na malawak ang pang-unawa at mahaba ang pasensiya ng isang misis.
Samantala, napag-usapan din sa HOD ang tungkol sa prenup agreement, lalo na kung
parehong may properties na naipundar ang magkasintahan.
Para kina Kristine Hermosa at Oyo Sotto, hindi sila pabor sa prenup agreement. Kung anuman ang kanilang naipundar bago nagpakasal ay pag-iisahin nila para sa future ng kanilang mga anak.
SA darating na Linggo, August 24, ay idaraos ang Philippine Movie Press Club (PMPC) 37th Star Awards sa VS Convention Center.
Star-studded ang awards night at dadaluhan ng malalaking artista. Bibigyan din ng pagkilala ang ilang veteran TV personalities (Lifetime Achievement Awardees) tulad nina Caridad Sanchez, Ariel Ureta, Geleen Eugenio, Malou Choa Fagar at Angelique Lazo.
Magbibigay din ng cash incentive sa tatanghaling Best Actress at Best Actor ng 37th Star Awards for TV, sponsored by Bingo Plus.
May premyo ring ibibigay ang online casino sa sinumang makakahula kung sino ang tatanghaling ‘Star of the Year’.
Si Vivian Blancaflor ang magdidirek ng 37th Star Awards for TV.








Comments